PINAPAYAGAN ang 30-percent capacity na face-to-face classes sa mga kolehiyo at unibersidad sa mga lugar na nasa Alert Level 3.
Sinabi ng Commission on Higher Education (CHED) na kalahating kapasidad naman ang pinapayagan sa mga lugar sa ilalim ng Alert Level 2.
Noong Disyembre, inaprubahan ang pagbabalik ng limited face-to-face classes sa lahat ng degree program sa higher education institutions (HEIs) nasa Alert Levels 1 at 2, habang ngayong Enero naman sa mga lugar na nasa Alert Level 3.
Epektibo ang Alert Level 3 sa NCR simula ngayong Lunes hanggang Enero 15.
Suspendido sa kasalukuyan ang face-to-face classes sa National Capital Region (NCR) simula araw ng Lunes matapos ilagay ang rehiyon sa Alert Level 3 dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases.
Disyembre nang muling magbukas sa mga estudyante ang 28 pampublikong paaralan sa rehiyon bilang bahagi ng pilot phase ng DepEd para sa unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.
Ayon sa DepEd, tuloy pa rin naman ang face-to-face classes sa mga paaralan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2.
Bago nito, sinabi ng DepEd na balak nitong ipatupad ngayong Enero ang expansion phase ng face-to-face classes, kung saan mas maraming paaralan ang lalahok.
Sa gitna naman ng pagbabago ng patakaran sa face-to-face classes, ipinanawagan ni Senate Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng regular COVID-19 testing sa mga guro.
Ayon kay Gatchalian, kahit walang face-to-face classes, patuloy pa ring lumalabas ang mga guro para mag-report sa trabaho.
Hinikayat din ng mambabatas ang mabilis na pagbabakuna sa mga may edad 12 hanggang 17. ELMA MORALES