(Comelec nagpasaklolo sa NBI at PNP) TUGISIN ANG GUMAGAWA NG FAKE NEWS

NAGPASAKLOLO na ang Commission on Elections (Comelec) sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng “fake news” kaugnay sa nalalapit na eleksiyon partikular sa electoral process nito.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang sinomang indibidwal na napatunayang nagbabalita ng mga pekeng impormasyon na may kinalaman sa eleksiyon ay titiyaking pananagutin sa ilalim ng batas.

“Kung kinakailangan po naming i-tap ‘yung cybercrime unit ng NBI, ng PNP, we will go after them. We will prosecute them,” pahayag ni Garcia.

Una ng kinondena ni Garcia ang pagpapakalat ng fake news na nagsasabing may resulta na agad ang botohan bago pa man ang mismong May 9 elections dahil sa 100% ng mga rehistradong botante, bagay na nakasisira sa integridad ng electoral process.

“Fake news” din ani Garcia ang kumalat na impormasyong may mga bura o “shaded” ang lahat ng balota na gagamitin sa eleksiyon. Jeff Gallos