COMMISSION PARA SA SENIORS MAISASABATAS NA

SENIORS

NAGHIHINTAY  na lamang na malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para ganap na maging batas  ang House Bill 8837, na naglalayong magtatag ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Ayon kay House Acting Secretary-General Dante Roberto Maling, nitong nakaraang Miyerkoles, Hunyo 26, nang mai-transmit na nila sa Palasyo ang naturang panukalang batas, na pangunahing iniakda ni Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr.

Nauna rito, May 20 nang i-adopt ng Senado ang nilalaman ng HB 8837 bilang amendments sa sarili nitong bersiyon na Senate Bill 2159, na bukod sa paglikha ng NCSC, ay nagsusulong din sa pagbubuwag ng National Coordinating Council and Monitoring Board, kasabay ng pagrebisa sa itinatakda ng Republic Act No. 7432 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2003”.

Hunyo 19 nang maipadala ng lower house sa Senado ang enrolled copied ng consolidated HB 8837 at SB 2159 para malagdaan nina Senate President Vicente C. Sotto III at Senate Secretary Atty. Myra Marie Villarica at noong Martes, June 25, sa pamamagitan na rin ng isang liham kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay natanggap nila ang ‘signed enrolled copies’ ng naturang consolidated bills.

“House Bill 8837 or the proposed “National Commission of Senior Citizens Act” is principally authored by Rep. Francisco Datol Jr. (Party-list, Senior Citizen). Senate Bill 2159 is principally authored by Senators Paolo Benigno Aquino IV, Senate President Vicente Sotto III, Senators Sonny Angara, Antonio Trillanes IV, and Leila de Lima,” sabi ni Maling.

Nakasaad sa panukalang batas na ito na alinsunod sa pagnanais ng pamahalaan na maisulong ang mga karapatan at prebilehiyo na para sa mga nakatatanda, ay bubuo ito ng isang ahensiya na siyang pangunahing nakatuon sa sektor ng senior citizens.

Kabilang sa mga magiging tungkulin ng komisyong ito ang matiyak ang “full implementation” ng mga batas, polisiya at programa ng pamahalaan para sa senior citizens, gayundin ang pagrebisa at paggawa ng rekomendas­yon sa Pangulo at Kongreso kung may kinakailangang baguhin at idagdag sa mga ito.

Ang NCSC ay ma­ngunguna rin sa pagbuo ng maayos na ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gob­yerno, kabilang ang local government units (LGUs) at mga organisas­yon, ma­ging pribado man dito at sa labas ng bansa, na may kinalaman sa panga­ngalaga sa mga nakatatanda.       ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.