COMMUNITY PANTRIES MAS AALAGWA AT LALAKAS KUNG SUPORTADO NG GOBYERNO AT MGA NEGOSYANTE

“KUMUHA nang naaayon sa pangangailagan. Magbigay nang naaayon sa kakayanan.” Pamilyar po ba?

‘Yan ang patok ngayon. Bayanihang totoo. Pagtulong nang taos sa puso. ‘Yan ang layunin ng sikat na sikat ngayong “community pantry.”

Unang umusbong sa Maginhawa Street sa Quezon City, nagsulputan na ngayon ang mga katulad na community pantry sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at mga kalapit lalawigan.

Nakatataba ng puso na sa kabila ng paghihirap ng mas nakararami sa atin dahil sa pandemyang ito, marami pa rin ang mas piniling tumulong kahit pare-pareho nang sadlak sa kahirapan.

Dito natin  mapapatunayan ang totoong ugali ng Pinoy: Mapagbigay. Uunahin ang iba, kaysa sarili. Ito ‘yung mga bagay na magpapaangat sa noo natin bilang Filipino.

Pero sa ating palagay, ang magandang layuning ito ay mas mapasusulong pa kung may back-up ng gobyerno, ng iba’t ibang ahensiya nito at ng mga negosyante.

Tanggapin man natin o hindi – marami ang reklamo na walang natanggap na ayuda dahil sa kung anumang nakababahalang dahilan. Kaya  napakalaking tulong nito para sa mga kaawa-awa nating kababayan na wala nang maaasahan ngayon.

Kung tutuusin, maliit na bagay ‘yung mamahagi tayo ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles sa isang tao o pamilya o sa sinumang kabarangay o kapitbahay natin, lalo na kung tayo ay mas nakaaangat sa kanila sa panahong ito. Napakarami na ng naghi-hirap dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay. Ang maliit na bagay para sa ating mas nakaaangat ay malaking tulong para sa mga nagugutom nating kababayan.

Kaya uulitin lang po natin — mas malaking tulong pa ang maaaring maipahatid sa mga Filipinong naghihirap ngayon, kung susuportahan ng gobyerno at ng business sector ang bayanihang ito sa mga community pantry.

Kung kaya naman po nating tumulong, tumulong po tayo. Ito po ang pakiusap natin ngayon sa pamahalaan at sa mga negosyante. Kung nagawa po ng maliit na komunidad ang ganitong uri ng pagtulong, mas malawak na suporta pa ang magagawa ng mga negosyante at ng gobyerno.

Sa totoo lang, sa mga ganyang community pantry, ‘di naman natin kailangang maglabas ng malaking pera para makatulong, eh. Dahil sa mga panahong ito, anumang kapaki-pakinabang na bagay na maiaabot natin sa mga kapus-palad nating kababayan ay lubos na nilang ipagpapasalamat. At hindi naman kailangang manatiling maliit na tulong na lang, kaya dapat din talagang umayuda sa balikatang ito ang gobyerno at ang business sector.

Mananawagan na rin tayo sa mga food manufacturer natin. Maaari rin po kayong mamahagi ng inyong mga produkto sa mga lugar kung saan naroon ang mga nagsulputang community pantries.

Huwag na tayong magdalawang-isip na makigaya sa ganito kagandang layunin na napasimulan ng mga kababayan nating may busilak na puso.

At nakikiusap rin po tayo sa mga intrigero na nilalagyan ng “dumi” ang community pantries. Kung ayaw pong tumulong ng iba, kung maaari, ‘wag na tayong manira. Mahirap po bang pasalamatan na lang ang mga nakaisip, kaysa gawan pa natin sila ng malisyosong kuwento?

Minsan, iwasan natin ang maging insensitibo lalo na sa panahong ito.

3 thoughts on “COMMUNITY PANTRIES MAS AALAGWA AT LALAKAS KUNG SUPORTADO NG GOBYERNO AT MGA NEGOSYANTE”

  1. 268093 630523Good V I should definitely pronounce, impressed with your web site. I had no trouble navigating through all the tabs and related info ended up being truly easy to do to access. I recently found what I hoped for before you know it at all. 50498

Comments are closed.