(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin ang nagko-commute papuntang trabaho at maging sa pag-uwi sa kani-kanilang tahanan matapos na kumayod sa maghapon. Hindi rin naman lahat ay may sariling sasakyan na magagamit sa pagtungo sa trabaho o sa lugar na gustong puntahan. May ilan din naman na kahit na mayroong sasakyan ay mas pinipiling mag-commute.
Kunsabagay, sa tindi nga naman ng traffic sa panahon ngayon ay talagang mas pipiliin mo na lang ang mag-commute.
Mahirap nga namang magmaneho kapag sobrang traffic. Bukod sa mai-stress ka ay iinit pa ang ulo mo.
At dahil marami nga naman sa atin ang nagko-commute, narito ang ilang tips nang maging matiwasay ang pagko-commute o paglalakbay:
MAGSUOT NG KOMPORTABLENG SAPATOS AT DAMIT
Napakahalaga nga namang komportable ang suot nating damit, gayundin ang sapatos nang hindi tayo mainis. Marami rin kasing pagkakataon na natatagalan tayo sa pagpila sa sakayan ng shuttle, bus o dyip. Kung matagal kang nakatayo at hindi ka komportable sa suot mong sapatos, mananakit ang paa mo’t paniguradong maiinis ka pa. Paano pa kung nakipagsiksikan ka o unahan para lang makasakay sa dyip o bus?
Kaya naman, kung bibili ng sapatos at damit, siguraduhing komportable ang mga ito kapag sinuot. Hindi lamang ganda ang dapat nating tingnan sa isang outfit kundi ang pagiging komportable nito.
MAGPLANO BAGO UMALIS
Sabihin mang araw-araw tayong umaalis ng bahay, mainam pa rin kung napagpaplanuhan o napag-iisipan natin ang mga sandal ng ating paglalakbay—malapit man iyan o malayuan.
Bago umalis ay maaaring maghanda na ng mga gagawin nang hindi mabagot sa biyahe. Puwede kang maghanda ng mga pakikinggang musika. Malaki ang maitutulong ng musika nang ma-relax ka habang bumibiyahe. Napagaganda rin ng musika ang iyong pakiramdam kaya’t maiiwasan ang pagkainis o makadarama ng stress.
Kung ayaw mo namang makinig ng musika, puwede mo rin namang kahiligan ang podcast. Marami rin namang interesting na podcast na puwede mong pagpilian.
PILIIN ANG MAGLAKAD KUNG MALAPIT LANG ANG PUPUNTAHAN
Kung malapit lang naman ang pupuntahan, mainam din kung maglalakad na lang. Sabihin man nating hindi ka mapapagod kapag sumakay ka ng dy-ip o bus. Pero kung traffic naman at gugugol ka ng matagal na oras, mas mainam ang paglalakad sapagkat makapag-eehersisyo ka pa.
Kaya naman, kung malapit lang ang pupuntahan ay mas piliin ang maglakad.
MAGING KALMADO AT ALERTO
Napakahalaga rin ng pagiging kalmado at alerto saan ka man naroroon at sa ano mang oras. Sa pagko-commute nga naman natin, marami tayong puwedeng makasalamuha at marami ring maaaring mangyari.
Kaya naman, mahalagang itinatanim natin sa ating isipan ang pagiging kalmado. Maging alerto rin nang hindi masalisihan ng masasamang loob.
MAGDALA NG PAYONG AT SCARF
Pabago-bago ang panahon. Kaya naman, upang maging handa sa pagko-commute, huwag kalilimutan ang pagdadala ng payong at scarf nang umulan man o umaraw ay may magagamit tayong panangga.
HUWAG INISIN ANG SARILI
Alam na naman nating mata-traffic tayo. Lagi naman kasi iyang nangyayari. Wala na ngang oras at araw ang hindi ma-traffic. Pitong araw sa isang lingo tayo nakararanas ng traffic.
Kung iintindihin natin ang matinding traffic, tayo lamang din ang maiinis. Kaya naman, imbes na mainis ay mag-isip na lang ng paraan upang kumalma gaya nga ng pakikinig ng musika o ang pagbabasa.
O kaya naman, mag-observe ka sa paligid. Kahit na papaano, ang pag-o-observe sa paligid gayundin sa mga taong nakakasabay at nakasasalamuha ay nakatutulong upang malibang tayo.
Karamihan naman talaga sa atin ay nagko-commute. At sa pagko-commute, samu’t saring pakiramdam ang maaari nating maranasan. Gayunpaman, kung handa tayo ay maiiwasan ang mga nakaiinis na pakiramdam na iyan. (photo credits: Google)
Comments are closed.