ANG pakikipagsabwatan ng oil retailers ang puwedeng magtulak sa Philippine Competition Commission (PCC) na imbestigahan ang industry players para masiguro na ang presyo ng petrolyo ay mananatiling competitive, ayon sa isang opisyal kamakailan.
Inilahad ni PCC Commissioner Johannes Bernabe na ang competition watchdog ay walang mandato para makialam sa pag-pepresyo ng petrolyo pero makapag-iimbestiga ng ‘di makatarungang gawain na nagreresulta sa pagtaas ng halaga ng produkto.
Simula Martes, May 15, nagtaas ang presyo ng gasolina at diesel sa ng P1.10 at P1.20 ayon sa pagkakasunod.
“Ang binabantayan po ng PCC ay kung nagkakaroon ng kasunduan o nagkakaroon ng sinasabing abuso sa pagiging dominante sa merkado itong mga nangangalakal sa langis sa ating oil industry,” pahayag ni Bernabe.
Sinabi ni Bernabe na ang komisyon ay aktibong nagmo-monitor ng “price patterns” at “data points” sa mahabang panahon para makita ang anumang nangyayaring anomalya.
“Hindi puwedeng maikling period lang ang ating titingnan so medyo masalimuot na trabaho po ito,” sabi niya.
Comments are closed.