COMPUTER BUG SA BIR?

Erick Balane Finance Insider

MALAKING suliranin ang kinakaharap ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa computer system nito na dumaranas ngayon ng ‘on’ and ‘off’, na ayon sa mga computer expert ay sanhi ng ‘bug’ sa harap ng nalalapit na deadline sa bayaran ng buwis sa Abril 15, 2019 at pagku-kumahog na makuha ang tax collection goal na P2.3 trillion.

Apektado ng pag­loloko ng IT machines ang E-Car, Certificate of Registration, Electronic Filing, Electronic Payment, issuance ng Tax Identification Number, tax processing system na provided ng hardware, software, related data processing and complementary equipment, operational and technical support na maaaring makaantala sa modern tax collection systems ng BIR at maging ng Bureau of Customs (BOC).

Kung hindi maaagapan ang suliraning ito ay magsasagawa na lamang ang BIR ng ‘mano-mano’ sa bayaran ng buwis na itinakda ang deadline sa Abril 15, 2019.

Ang ginagamit na IT computer machines ng BIR ay may edad na 27. Ito ay nabili umano noong panahon pa ni former BIR Commissioner Liway-way Vinzons-Chato at hanggang ngayon ay ito pa rin ang ginagamit kaya marahil ay nagsulputan na ang sakit nito.

Idagdag pa sa suliranin ng BIR ang umano’y pagkakaantala ng iba’t ibang printing forms na gagamitin ng taxpaying-public sa pagbabayad at pagpa-file ng kanilang annual at quarterly taxes na laman ng mga reklamong natatanggap ng  888 complaint centers araw-araw sa BIR Tax Information Divi-sion.

Reklamo rin ng BIR regional directors at revenue district officers, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga karatig-probinsiya, sila ang pinagbubuntunan ng galit ng mga taxpayer sa kabagalan ng computer, partikular sa One Time Transaction, E-Car sa capital gains tax, tax registration, electronic filing, electronic payment at apektado na rin ang data ng mga binabayarang buwis sa mga bangko.

“Kung almost 27 years na ang computer machines ay masyadong luma na, ibig sabihin ay ginagamit pa ng BIR ang mga dating IT na 386, 486 na sx or dx o lumang PC Pentium, Pentium II, Pentium III at Pentium IV. Dapat ay bumili na ng bagong pc server ang BIR magbigay ng tamang access sa ibang pc na nakakabit sa ibang network,” ayon sa isang IT expert.

Ang unang-unang tatamaan sa  computer bug, ayon sa source, ay ang ‘Build, Build, Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil apektado nito ang pagkolekta sa tax collection goal ngayong fiscal year at sa mga susunod pang taon.

Ngayong 2019 fiscal year, ang BIR ay inaasahang makakokolekta ng P2.3 trillion, P662.2 bilyon ang BOC; sa 2020 (BIR) – P2.6 trillion, (BOC) – P748.2 bilyon; sa 2021 (BIR) P2.9 trillion, (BOC) – P826.2 bilyon; at sa huling taon ni Presidente Duterte, ang BIR ay dapat na kumolekta ng P3.12 trillion, samantalang ang BOC ay P914.8 bilyon.

Kung hindi maaayos sa lalong madaling panahon ang problema sa computerization program ng BIR, hindi malayong  irekomenda ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’  Dominguez III kay ­Pangulong  Digong ang total revamp sa Kawanihan ng Rentas Internas.



Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o  mag-email sa [email protected].

Comments are closed.