MAKARAANG malusutan ang Blackwater, isang matinding hamon ang kakaharapin ni Barangay Ginebra coach Tim Cone.
Makakasagupa ng Kings ang surging Meralco Bolts sa pagpapatuloy ng PBA Governors’ Cup sa Linggo sa Araneta Coliseum sa larong magiging krusyal sa kampanya ng dalawang koponan na magtapos sa Top 4 papasok sa playoffs.
Nag-iingat si Cone sa Bolts makaraang makita niya kung paano nito dinurog ang San Miguel Beermen sa kanilang huling laro, 125-99.
“Now we got Meralco coming up, one of the league leaders and they’ve been playing well, they just blew out San Miguel,” wika ng Ginebra coach.
Ang Bolts ay isang pamilyar na koponan para sa Kings, kung saan nakasagupa nila ito sa back-to-back title series noong 2016 at 2017 Governors’ Cup finals, na napagwagian ng Ginebra.
Subalit pinalakas ng Meralco ang kanilang roster ngayong season, sa paghugot kina big man Raymund Almazan, Allein Maliksi, at Raymar Jose upang maging isa sa lehitimong title contenders para sa season-ending conference.
“We had so many battles with (Allen) Durham. And that Meralco team, it’s going to be another (big) one. And we know that,” ani Cone.
Ang Meralco at Ginebra ay tabla sa ikatlo at ika-apat na puwesto na may magkatulad na 5-2 kartada. Kapwa rin sila nasa winning streak, kung saan nanalo ng dalawang sunod ang Bolts habang ang Kings ay nasa four-game winning run.
Gayunman ay binigyang-diin ni Cone na kinakailangang paghusayan pa ng Kings ang kanilang paglalaro para manaig sa Bolts.
“We’re going to have play a lot, lot better than we played (against Blackwater) on both sides of the court to be able to compete with Meralco,” aniya. CLYDE MARIANO
Comments are closed.