NAIS ng minority bloc na i-realign ang confidential funds na inilaan sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
Sinabi ito ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa isang panayam ng mga mamamahayag.
Nakiisa si Pimentel sa kanyang kapwa minority senator na si Risa Hontiveros sa panawagan para sa realignment ng P150-million confidential funds na inilapag sa ilalim ng DepEd habang kinukuwestiyon niya ang pangangailangan ng naturang pondo para sa isang sibilyang ahensiya na naatasang magsulong ng edukasyon.
“Hindi lang namin kukuwestiyunin. Mag-attempt kaming i-amend. Siguro ilipat natin sa program or activity na directly related to education,” ayon kay Pimentel.
Aniya, maaaring makuha ng DepEd ang P150 milyon ngunit ito ay dapat ilaan sa pagsuporta sa basic education programs.
“If you want to retain the funds within the agency, then it should be transferred to programs directly related to basic education,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ni Pimentel na tutukuyin ng minority bloc kung i-realign ang nasabing pondo sa loob ng ahensiya o ililipat ito sa ibang ahensiya na nangangailangan ng karagdagang pondo.
Bukod sa confidential funds sa DepEd, tinitingnan din ni Pimentel na tanggalin ang P500-million confidential fund sa proposed budget ng OVP para sa 2023, dahil sa pangangailangang magbakante ng ilang fiscal space para sa social and health programs ng gobyerno. LIZA SORIANO