CONGRATS SA LAHAT NG ATLETANG PINOY!

on the spot- pilipino mirror

TINUPAD ng Pinoy kickboxers ang kanilang pangako na mag-ambag ng medalya sa Team Philippines sa nasungkit na isang gold at dalawang silver medals noong  Lunes ng gabi sa ­unang araw ng final round sa kickboxing event ng 30th Southeast Asian Games sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Dumagundong ang hiyawan ng crowd na walang humpay ang pagsuporta sa Nationals matapos na makamit ni Jerry Olsim ang unang gintong medalya para sa Team Philippines sa martial arts discipline na kauna-unahang nilaro sa biennial meet.

Ginapi ng pambato ng Benguet ang karibal na si Klinming Sarayut ng Thailand via decision sa -69kg kick light category.

Kinapos naman sina Jomar Balangui at Raquel Daquel sa kani-kanilang weight division finals match laban sa Vietnamese opponents.

Naungusan si Dacquel ni Nguyen Thi Hang Nga, 1-2, sa women’s -48kg full contact, habang nagapi si Balangui ni Phan Ba Hoi, 1-2, sa  men’s -54kg low kick.

May dalawang pagkakataon pa ang Pinoy na makasungkit ng gintong medalya sa pagsalang nina internationalist Gina ‘The Conviction’ Iniong  at  Benguet pride Jean Calude Saclag sa finals ng women’s -55kg kick light category at men’s -63kg. low kick class.

Malugod ang pagbati ni Samahang Kick-boxing ng Pilipinas (SKP) president Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kampanya ng mga atleta na aniya’y nagpamalas ng katatagan at kahusayan sa harap ng sambayanan.

“Nakita naman natin na talagang lumaban tayo, hindi natin ito expertise pero naki­paglaban ang mga manlalaro natin. Congratulations sa mga nanalo. Paghuhusayan pa natin sa susunod,” pahayag ni Tolentino.



Closing ceremony ngayon ng 2019 SEA Games na gagawin sa Clark. Ang opening act ay nakatakda sa alas-5 ng hapon kung saan magpe-perform ang Aeta Festival  Dancers at ang Porac the Manila Concert Choir. Pagkatapos nito ay aawitin ang national anthem ni Arnel Pineda,  na susundan ng drone show at parada ang mga atleta at team officials kung saan ipakikita sa mga manonood ang highligths ng mga kaganapan sa biennial meet.

Paparada rin ang mga volunteer at workforce. Siyempre, para lalong ganahan ang mga manonood sa pagsasara ng 30th Southeast Asian Games ay maghahandog ng mini concert si Arnel Pineda, kasama ang Ko Jones Band, kung saan bibigyan nila ng tribute ang mga volunteer at workforce.

Bago matapos ang programa ay magbibigay ng mensahe sina Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano at Congressman Abraham Tolentino, presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).

Congratulations sa lahat ng ating mga atleta, lalo na sa mga nagwagi ng ginto.

Siyempre, sa ­ating mga katrabaho na sports writers at editors. MABUHAY TAYONG LAHAT!

Comments are closed.