CONSIGNEE NG OPIUM TIKLO SA NAIA

INARESTO ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Force Group (IADITF) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Indian national habang kini-claim nito ang 5 kilos ng dried opium poppy buds sa loob ng Central Mail Exchange Center (CMEC) Pasay city.

Kinilala ang suspek na si Amamdeep Singh, residente ng Blk 4 Lot 12 ng Amsterdam St., Chester Place, Brgy. Burol, Dasmarinas, Cavite.

Ayon sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, ang mga opium ay ipinadala kay Amamdeep Singh ng nagngangalang Sammee Singh, residente ng Navarro De Hato 2430700, Murcia, Spain.

Nadiskubre ang mga droga sa tinatawag na interdiction operation ng mga tauhan ng BOC-NAIA Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA_Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa opisina ng CMEC nitong nakaraang araw.

Bumungad sa mga awtoridad ang limang kilong dried opium na itinago ng shipper sa loob ng cereals at corn flakes.

Bukod sa drugs, kumpiskado rin ang LTO Driver’s, License,Identification (ID) card, BDO Debit card at isang cellular phone ng suspek.

Ang suspek ay pansamantalang nakakulong sa selda ng NAIA-PDEA, habang patuloy ang imbestigasyon at kasunod nito ang paghain ng kaso laban kay Singh. FROILAN MORALLOS