CONSIGNEE NG P3.495-M SHABU TIMBOG SA NAIA

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)- Ninoy Aquino International Airport (NAIA) anti-Illegal Drugs Task force ang babaeng consignee ng mga droga na aabot sa P3.495 milyon.

Ayon sa report, ang mga droga ay galing sa New Delhi, at dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC) nitong Huwebes, kung saan idineklara bilang Universal Engine.

Nadiskubre ang mga ito, matapos ang isinagawang physical examination ng customs examiner on duty sa harap ng mga tauhan ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).

Tumambad ang apat na pakete ng shabu na tumitimbang ng 514 gramo na ibinalot sa blue carbon upang itago at malayang makalusot sa mga kinauukulang.

Ang sinasabing babaeng consignee ay sumasailalim ng imbestigasyon sa mga tauhan ng PDEA.

Kasabay nito, inihahanda na ang paghahain ng kaso sa office of the Prosecutors sa Pasay City laban sa consignee dahil sa paglabag ng RA 9165 o kilala sa tawag na Comprehensive Drug Act at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). FROILAN MORALLOS