CONSTRUCTION WORKERS AYUDAHAN PARA MAKAIWAS SA COVID-19

CONSTRUCTION WORKERS

UMAPELA ng tulong kapwa mula sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor ang senior vice-chairman ng House Committee on Public Works and Highways para maiwasang madapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga manggagawa, partikular sa local construction sector.

Ayon kay Construction Workers Solidarity (CWS) party-list Rep. Romeo Momo, kinakaila­ngan ng mga construction worker ng ibayong tulong at pangangalaga mula sa lahat dahil nalalantad ang mga ito sa banta ng COVID-19 matapos na magsimula na silang magsibalikan sa kani-kanilang trabaho.

Subalit giit ni Momo, kahit may napaulat na mga manggagawa na nagpositibo sa naturang karamdaman, hindi naman nangangahulugan na dapat nang tuluyan, o kahit pansamantalang lang ay itigil ang construction works sa mga government at private infrastructure project.

“We need not emphasize that while infrastructure is the backbone of the Philippine economy, the Filipino construction workers serves as the backbone of the Philippine infrastructure projects,” pagbibigay-diin pa ni Momo.

Kaya naman kung mayroon aniyang construction worker na tinamaan ng COVID-19, mas mabu­ting agad na mabigyan ito ng karampatang tulong at makapaglatag ng kaukulang mga hakbang upang hindi na kumalat pa ang virus.

Sinabi ni Momo, na ang pagpapatuloy ng construction works ay kabilang sa mga kinakailangan upang mapanumbalik ang sigla at maiangat muli ang ekonomiya ng bansa na nalugmok bunsod ng umiiral na pandemya.

Lubos na pinasalamatan ng CWS party-list congressman ang naging pagsang-ayon mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paninindigan ng economic managers ng bansa na ang pamumuhunan sa infrastructure sector ay sangkap sa pagpapalago sa ekonomiya dahil nakalilikha ito ng maraming trabaho at negosyo.

“In his fifth State of the Nation Address (SONA), the President likewise described that his flagship ‘Build Build Build’ program that is labor and capital intensive, is giving economic benefits being distributed to all corners of the country and push sustainable stability in the urban centers particularly in the NCR,” dagdag pa ni Momo.       ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.