INANGKIN ni Filipino pole vault sensation EJ Obiena ang bronze medal sa 2021 Copernicus Cup noong Huwebes (Philip-pine time) sa Torun, Poland.
Si Obiena ay napalaban nang husto kina two-time world champion Sam Kendricks ng United States at hometown bet Piotr Lisek sa final 5.87 meter jump. Nabigo ang tatlong pole vaulters na lundagin ang naturang height.
Nakuha ni Kendricks ang Copernicus Cup title nang ma-clear ang 5.80 meter height sa isang attempt. Nalusutan kapwa nina Lisek at Obiena ang clearance ss tatlong pagtatangka.
Nakopo ni Lisek ang mas mataas na iskor kontra Obiena nang ma-clear ng Polish ang naunang 5.72 meter mark sa isang attempt, habang nalundag ng Pinoy ang marka sa ikalawang pagtatangka.
Natapos sa Copernicus Cup ang streak ni Obiena sa pagbura ng kanyang personal best at Philippine indoor pole vault record. Sa kanyang naunang outing sa Orlen Cup noong Sabado sa Lodz, Poland, si Obiena ay nagtala ng national record na 5.86 meters sa pagtatapos bilang runner-up sa torneo.
Unang nagtala si Obiena ng bagong national record noong nakaraang January 30 sa Karlsruhe World Indoor Tour Meeting, kung saan nilundag niya ang 5.62 meters subalit sapat lamang para sa fifth place finish. Pagkatapos ay binura niya ang national mark noong February 6 sa pagtala ng 5.80 meter mark upang pagharian ang ISTAF Indoor Athletics Meet sa Berlin, Germany. CLYDE MARIANO
Comments are closed.