KUNG mayroon mang napakaimportanteng meal sa buong araw, iyan ang agahan. Hindi na bago sa atin ang kaalamang iyan. Gayunpaman, madalas ay kinaliligtaan. Kumbaga, sabihin mang sobrang importante ang pagkain ng agahan, hindi pa rin ito ginagawa at kadalasan ay kinalilimutan ng marami sa atin. May iba namang talagang ayaw kumain ng agahan. Ang ilan, nagtitipid kaya’t pinagsasabay na lang ang agahan at tanghalian.
Kunsabagay, hindi naman kailangang mahal ang ihahanda nating pagkain sa ating pamilya. Kahit simple lang ay tiyak na maiibigan ito ng mahal natin sa buhay. Hindi rin naman kasi importante kung mahal o mura ang pagkaing ating ihahanda. Ang mahalaga ay tayo ang nagluto nito.
Mas lalo ring sumasarap at nagiging engrande ang isang lutuin lalo na kung may sahog itong pagmamahal.
Isa sa madalas na kinahihiligan ng marami ang corned beef. Kapag nagkatamaran kami sa bahay na magluto, ito lagi ang inihahanda namin. May biruan pa nga sa bahay na kapag mas marami ang patatas sa corned beef, ibig sabihin ay nagtitipid o wala kaming gaanong budget. Pero kung marami ang corned beef kaysa sa patatas, may budget pa kami.
Napakadali lang ding lutuin ng corned beef. Bukod din sa patatas, masarap kung ang isasama o isasahog dito ay ang cabbage. Swak na swak din ito sa agahan man, tanghalian at hapuan.
Pero bukod sa simpleng corned beef, puwedeng-puwede i-level up ang sarap nito. Para sumarap pang lalo ang corned beef, maaari mo itong gawing Corned Beef Frittata.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto nito ay ang cooking oil, patatas, sibuyas, bawang, corned beef, tubig, asin, paminta at itlog.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Hugasan ang patatas. Balatan saka hiwain ng maliliit. Gayatin na rin ang sibuyas. Pitpitin ang bawang.
Magsalang ng kawali at painitin ito. Lagyan ng mantika. Kapag mainit na ang mantika, ilagay na ang patatas at lutuin hanggang sa maging golden brown ang kulay. Pagkaluto ng patatas, isama na rin ang bawang at sibuyas. Haluin.
Pagkalipas ng ilang minuto, idagdag na ang corned beef. Pakuluin saka lagyan ng tubig. Timplahan ng asin at paminta. Takpan hanggang sa maluto.
Pagkaluto ng corned beef, tanggalin na sa kawali.
Sa isa namang bowl ay pagsamahin ang itlog at corned beef mixture. Haluing mabuti.
Kumuha ng oven-safe skillet, painitin ito at lagyan ng kaunting mantika. Siguraduhing bawat parte ng skillet o lutuan ay nalagyan ng mantika nang hindi dumikit ang mixture. Pagkatapos ay ilagay na sa loob ng lutuan ang egg and corned beef mixture. Lutuin hanggang sa mag-set ang edges.
Pagkatapos ay ilipat na ito sa oven saka i-bake hanggang sa maging golden brown ang ibabaw. Kapag naluto na, puwede na itong hiwain at pagsaluhan ng buong pamilya.
Hindi lamang swak pang agahan ang Corned Beef Frittata, mainam din itong pagsaluhan sa tanghalian man o hapunan.
Hindi nga naman kailangang gumastos pa ng sobrang mahal para lang masabi nating makapaghahanda tayo ng katakamtakam para sa mga mahal natin sa buhay. Dahil kung mag-iisip lang tayo at hindi matatakot na tumuklas ng panibagong lutuin, makabubuo tayo ng kakaiba at walang kasing sarap na recipe na simple at madali lang lutuin.
Kaya naman, subukan na ang Corned Beef Frittata nang matikman ang sarap nito. Puwede rin itong samahan ng iba pang sangkap na sa tingin mo ay maiibigan ng iyong buong pamilya. (photos mula sa today.com, kawalingpinoy at kudoskitchenbyrenee.com). CT SARIGUMBA
Comments are closed.