HUWAG namang i-repeal, bagkus ay i-amend lamang ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Kung hindi ito ia-amend ay hindi ito magiging growth inclusive, bagkus ay lalatay nang malalim sa taumbayan.
Naintindihan natin ang Department of Finance na ang TRAIN law at ang mga probisyon nito ay preskripsiyon ng World Bank (WB) at International Monetary Fund (IMF) at may malaki ring implikasyon sa mga proyekto at programa ng administrasyon, ngunit hindi sapat na mga dahilan ito upang maisailalim ang ordinaryong mga Pilipino sa mala-torture chamber na mga probisyon ng nasabing batas.
Maaaring ang nararapat lamang namang talagang isagawa ay itama ang TRAIN law na kikiling sa mamamayang nagdarahop at hindi wholesale na nakakiling sa WB at IMF.
Huwag naman sanang masyadong pagamit si DOF Sec. Carlos Dominguez III sa dalawang titanic na international organizations na mga ito, bagkus ay mas kamalayin ang nadarama ng bawat Pilipino.
Maganda naman talaga ang TRAIN law, ngunit mas gaganda ito at magiging mas reyalistiko kung tatanggalin halimbawa ang probisyon ng pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo. Kahit pa nga kasi tanggalin natin ang tax na ipinapataw para sa mga low-income earner nating mga kababayan, kung mataas naman ang presyo ng produktong petrolyo ay imbes na makatulong ay nangyayaring mas kinukulang ang kinikita ng mga low-income earner.
Dahil ang petrolyo ay sumasaklaw o may direktang epekto hindi lamang sa transportasyon ng ating mga kababayan, kundi sa basic goods, maging kuryente, transportasyon ng mga produkto at marami pang iba.
Ibig sabihin, hindi nga na-tax ang maliit na kita, ngunit sa ilalim ng TRAIN law, ano naman ang mabibili ng maliit na kinita?
Mga nirerespetong senador at kongresista, marami sa inyo ay gustong sumipsip sa ating popular na Pangulo, ngunit hindi dapat sa paraan na ipapapasan ninyo sa mamamayan ang pagdarahop, makasipsip lamang kayo.
May mas tamang paraan, ok nandiyan na ang TRAIN law, ayusin na lamang, gawing tama, gawing kakampi ng puso ng Pangulo, dahil ang puso ng Pangulo ay nasa mamamayan, gawing tama para sa taumbayan, nang sa gayon ay mas maging makatotohanan ang pangakong inclusive growth na pangako ng pagbabago.
Ang isang batas, katulad ng negosyo, ay pinag-iisipan at pinag-aaralang maigi, dahil sa oras na ma-implement ang isang batas, magiging propitable ba sa mamamayan o isang kalugihan?
Tandaan, ang puso ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nasa kapakanan ng taumbayan, ito lamang ang kailangang pakatandaan ng ating mga nirerespetong mambabatas at ginagarantiya ko, hindi sila maliligaw.
Comments are closed.