COVID 19 CASES DUMARAMI SA PMA

BAGUIO CITY-KINUMPIRMA ng health department na dumarami ang COVID19 cases sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan maging ang ilang kadete, militar at civilian personnel ay infected na ng virus bago pa sumapit ang Bagong Taon.

Ayon kay Department of Health – Cordillera Director Dr. Ruby Constantino, pinalawak na nila ang testing procedures sa PMA kung saan lumabas ang resulta nitong Lunes, Enero 4 na umabot na sa 72 ang nagpositibo kabilang ang 53 kadete, 16 waiters at 3 cooks.

Base sa nag-leak na impormasyon noong Disyembre 30, may 53 kadete ang infected ng virus matapos mag-mass testing ang nasabing Academy dahil sa may mga kadete na kinakitaan ng sintomas na lagnat at ubo.

Gayunpaman, makalipas ang ilang Linggo bago lumabas ang resulta at kinumpirma na kumalat na ang virus sa mga kadete, militar at civilian personnel kung saan siniguro naman ng pamunuan na patuloy nilang isasaayos ang health protocols sa loob ng Academy.

Siniguro rin ng PMA na lahat ng positive patients ay nasa mabuting kalagayan dahil karamihan ay asymptomatic kung saan lahat ng kanilang pangangailang ay natutugunan naman.

Ipinahayag din ni Dr. Constantino ng DOH-CAR na nag-request na rin sila ng karagdagang 1,000 test kits para sa PMA sa posibleng nakontak ng nagpositibo sa virus. MHAR BASCO

Comments are closed.