TUMAAS pa ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa may 53 pang lugar sa bansa.
Sa isang online FORUM ay sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ito ay matapos na pumalo sa 269,407 ang nagpositibo sa COVID-19, hanggang nitong Martes, kung saan 207,352 ang nakarekober, 4,663 ang nasawi at 57,392 ang nananatiling aktibong kaso.
“Comparing iyong August 31 to September 13 sa August 17 to 30, overall, there are 53 areas consisting of provinces, highly urbanized cities, independent component cities with percentage increase in the number of [COVID-19] cases,” ayon kay Vergeire.
Aniya, kabilang sa mga lugar na nagkaroon ng pagtaas ng kaso ay sa Calabarzon at Bulacan.
Tiniyak naman ni Vergeire na masusi na nilang minumonitor ngayon ang mga naturang lugar.
“We are closely monitoring these and have coordinated with LGUs (Local Government Units),” aniya pa.
Sa ngayon ay hindi pa rin talaga nila masabi na pababa na ang trend ng sakit ngunit tiniyak na ang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 ay bumubuti na.
“Base po sa pagkaka-analyze namin as of yesterday, meron pa ring certain areas where there is an increasing number of COVID-19 cases. Pero nakapagpahinga naman po iyong health system natin noong nagkaroon tayo ng MECQ (noong August 4 to 18), and we also improved contract tracing,” aniya pa.
Samantala, iniulat ng DOH na umakyat na sa 272,934 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos makapagtala pa ng 3,550 infection hangganh 4PM ng Setyembre 16.
Batay sa case bulletin ng DOH, nabatid na karamihan ng mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 1,459 new cases.
Sinundan ito ng Rizal na may 271 new cases, Cavite na may 196 new cases, Bulacan na may 172 new cases at Laguna na may 172 new cases.
Samantala, nakapagtala pa ang DOH ng 524 bagong gumaling mula sa COVID-19.
Dahil dito, umakyat na sa 207,858 ang kabuuang bilang ng COVID-19 recoveries sa bansa.
Nakapagtala 69 na bagong nasawi ang DOH dahil sa virus.
Ayon sa DOH, sa bilang na ito 34 ay nasawi ngayong Setyembre, 18 noong Agosto,10 noong Hulyo, apat noong Hunyo, dalawa noong Mayo, at isa noong Abril.
Sa ngayon, pumalo na sa 4,732 ang COVID-19 death toll sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.