PINAGPAGURAN, pinagpuyatan, pinagtalunan – na sa bandang huli pala, uusad nang mas mabagal pa sa lakad ng pagong.
Nung pinagdedebatehan pa lang po natin sa Senado ang pagpapasa sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, masigasig na talastasan at pagbabalangkas ang ginawa natin, kasama ang mga kapwa natin senador para lang matiyak na sa lalong madaling panahon, maipaabot ang tulong sa mga lubhang apektado ng pandemya.
Kahit hatinggabi na, hindi inintindi ng mga senador dahil ang gusto natin, mabuo ang batas na ito para sa kapakanan ng iba’t ibang apektadong sektor ng lipunan.
Ang nakalulungkot, nang maisabatas na ito at maaprubahan na ng Pangulo, mukhang malamya ang kilos ng ating budget department sa pagpapalabas ng pondo base sa iniaatas ng naturang batas.
Ang ginawa po natin, bilang chairman ng Senate committee on finance na nanguna sa pagdinig ng Bayanihan 2, sumulat po tayo kay Executive Secretary Salvador Medialdea upang hikayatin siya na himukin ang lahat ng concerned agencies na ipalabas na ang necessary guidelines, ihanda na ang budget execution documents at ipalabas na ang pondo base sa isinasaad ng Bayanihan 2. Hindi ito dapat inuupuan lang dahil hanggang Disyembre 19 lamang po ang bisa ng batas na ito.
Nang makapanayam natin sa budget briefing sa Senado ang ating budget officials, sinabi nila na P4.4B pa lamang ang nai-release sa ilang ahensiya tulad ng DILG, Office of Civil Defense, Bureau of Treasury and Foreign Affairs department.
Paano naman ang Department of Agriculture? Hanggang ngayon daw, sabi nila doon sa budget briefing natin sa Senado, wala raw nakararating na pondo sa kanilang ahensiya. P24B po ang inilaan sa ilalim ng Bayanihan 2 sa DA para maasistehan ng ahensiya ang sektor ng agrikultura at ang Plant, Plant, Plant program ng DA. Pakatandaan po natin, ang sektor pangsakahan, isa iyan sa sadsad ang kalagayan ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang kabuuan pong pondo na inilaan sa ilalim ng Bayanihan 2 ay P140 bilyon, bukod pa sa P25B na standy fund. Ito ang pondo na gagamitin ng gobyerno para tulungan ang mga sektor na hinagupit ng pandemya. Pero ano na ang nangyari?
Ang sagot po rito ni Budget Secretary Wendel Avisado, wala raw masasabing “bottlenecks” dahil sumusunod lang daw sila sa proseso. Ang isyu raw, kumakain ng araw at oras ang submission ng requirements ng involved agencies. Problema nga iyan. Kung tayo nga po sa Senado, nagawa po nating paglaanan ng sobra-sobrang oras ang pagpasa niyan, bakit hindi mabigyan ng kaukulang oras ang paghahanda ng mga dokumento?
Tumatakbo na po ang mga araw. Mahigit isang buwan na lang po ang natitira hanggang magpaso na ang batas na Bayanihan 2. Sana agad nang maipadala ang mga request na iyan sa tanggapan ng Pangulo dahil pagdating po sa kanya, dadaan na naman ang mga dokumentong iyan sa masusuing pagbusisi para matiyak na nakatuon sa target beneficiaries ang pondo.
Kilos po tayo habang may kaunting oras pa. Para po ito sa mga patuloy na naghihirap dahil sa pandemyang ito.
Comments are closed.