COVID-19 VACCINE HANDA NA I-SUPLAY SA FILIPINAS

vaccine

NAKAHANDA ang Serum Institute of India (SII) na mag-supply ng COVID-19 vaccine sa bansa sakaling hinggin ng gobyerno ang kanilang tulong para mas maraming Filipino ang mabakunahan.

Ang SII ay partner ng biotechnology company na Novavax, Inc. na nagde-develop ng NVX-CoV2373 vaccine laban sa COVID-19 gamit ang kanilang patented technology na kinikilala ngayon bilang pinakamalaking manufacturer ng mga bakuna sa buong mundo.

Ang SII ay nakipag-partner sa Novavax para sa paggawa at pagbebenta ng bakunang sa mga low-at middle-income na mga bansa.

Ayon sa Malakanyang, bukas ang pamahalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa lahat ng supplier na papasa sa pagrebisa ng mga eksperto.

“Bukas po tayo sa pagbili ng mga bakuna sa lahat po ng magkakaroon ng vaccine pero meron tayong expert panel na magre-review kung epektibo at kung sensitive nga po ang mga bakunang ‘yan… ‘Yung vaccine galing India, wala pong hadlang para kumuha rin tayo sa India,” ani Presidential Spokesman Harry Roque sa isang press briefing.

Ang naturang vaccine ay kasalukuyan nang inie-evaluate sa maraming rehiyon sa mundo mula sa iba’t ibang edad kabilang na ang matatanda at mga grupong pinakaapektado ng COVID-19, mga taong may HIV, at minorities.

Nasa 50,000 katao ang kabilang sa clinical trials para matiyak na mabisa at ligtas ang bakunang ito para aprubahan ng mga regulatory bodies kabilang na ang World Health Organization (WHO).

Ang  unang bahagi ng clinical trials ay ginawa sa Australia, South Africa, at India. Ang ikatlong bahagi ay kasalukuyang ginagawa sa United Kingdom na  kinabibilangan ng 15,000 participants.

Uumpisahan na rin ito sa America at Mexico ngayong Nobyembre na may 30,000 participants.

Ang NVX-CoV2373 ay liquid formulation na maaaring ma-store at ma-transport sa temperaturang 2°C hanggang 8°C na ibig sabihin, puwede itong i-distribute gamit ang existing at standard cold chain system ng Filipinas para sa mga bakuna.

“Para sa isang tropical country gaya ng Pilipinas na binubuo ng mga isla, ang pag-iimbak ng Novavax vaccine, na hindi nangangailangan nang sobrang baba na temperatura ay isang malaking bentahe,” ayon kay Dr. Luningning Villa, medical director ng Faberco Life Sciences, ang partner ng SII sa Pilipinas.

Karamihan sa  mga bakunang galing sa SII ay naging mahalagang bahagi ng national immunization programs sa higit 170 bansa sa buong mundo dahil na rin sa pre qualified na ang mga ito ng WHO.

Naging katuwang rin ang SII ng malala­king organisasyon gaya ng WHO, UNICEF, PATH, Bill and Melinda Gates Foundation, at GAVI.

Hindi lamang sa COVID-19 vaccine ang produkto ng SII/Faberco sa Filipinas kabilang dito ang Inactivated Polio vaccine, Rotavirus vaccine, at Pneumococcal Conjugate vaccine. VICKY CERVALES

Comments are closed.