SA P4.5Trillion 2021 budget ay kaya nang iprayoridad ng bansa ang para sa COVID vaccine pero naratipikahan na ang budget isyu pa rin ang pondo para sa bakuna, anyare House Speaker Velasco?
Ang sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte pondohan ang internet connections dahil dito na lahat nakadepende sa ilalim ng new normal, naratipikahan ang budget, ayun lumabas kinaltasan ang National Broadband Program ng DICT kaya nag-aalburuto si Sen. Panfilo Lacson, ano ba ang priority kasi ng mga congressman?
Tama si Sen. Lacson eh, ‘yung infrastracture budget ng mga kaalyado ni Speaker Velasco nagawa n’yang isingit na taasan ng ilang bilyon, P650M hanggang P15B ang infrastructure budget ng bawat distrito, pero ‘yung mahalagang dapat na budgetan ay wala.
‘Yan ang problema kapag greenhorn ang House Speaker, madadala ka sa sulsol ng mga kaalyado mo, 28 ang Deputy Speaker sa pamumuno ni Speaker Velasco, isama mo pa ang mga Committee Chairman, lahat ‘yan may kanya kanyang bulong kaya ayun lahat sila may pondo, secured na ang kickbacks sa mga DPWH projects tapos ‘yung mga agency na magpapatupad ng mga programa ay slashed budget ang ginawa.
Nasa 60M Pinoy ang dapat na mabakunahan para mag-develop ng herd immunity laban sa COVID pero P2.5B lang ang inilaang pondo dito kasi -‘yung P72B drawing pa lang ‘yun, nakalista lang sa budget for Covid vaccine pero ang totoo hahanapin pa lang ang pondo nito.
Kung hahanapan pa lang ng pondo ang bakuna, ang mga infrastracture projects sa mga distrito ng mga congressman may pondo na sa GAA.
Tama na naman si Sen. Lacson sa kanyang sinabi na, “This only shows that for some, a pandemic – and the crippling effects it has on all sectors of society – should not get in the way of personal interests.”
Inuna na naman kasi ang personal interest ng mga congressman.
Ipinaliwanag ni Lacson walang pag-aaral na ginagawa sa pagkaltas ng budget, basta lamang maisipan kaya ang sistema, ang mahahalagang proyekto ang nasasakripisyo, halimbawa na lang ang national broadband program, kung sapat ang budget nito sa 2021 budget ay mailalarga na ang free wifi connection, makatitipid ang bansa ng P34B sa loob ng susunod na 5 taon kasi hindi na magsu-subscribe at magbabayad ang mga government agencies sa mga private telcos at sa government connection na aasa.
Ibinunyag pa ni Lacson na para ma-accomodate ang P28 bilyong insertions ng mga mambabatas para sa pet projects nito ay nagkaroon ng magic, hindi pa matukoy lahat ng senador kung saan saang ahensiya hinugot ang budget pero ang dalawa ay mula sa DICT at P8B naman ang binawi para sa modernization program ng AFP.
Aminado mismo si Sen Lacson na mas maraming nanalo at naa-adopt na amendments ang Kamara pagdating sa budget.
Nagkaroon nga ng hiwalay na deliberations ang Senado at House sa budget, mayroong mga pork barrel issue na lulutang laban sa mga congressman pero pagdating sa Bicam ay naaprubahan din ang kanilang ginawang insertions, ang dahilan nito ayon na rin kay Sen. Sonny Angara na head ng Senate Finance Committee ay dahil na rin sa kapos na ang oras, kaysa masa-kripisyo ang kabuuan ng budget at mauwi sa reenacted budget ay pinalulusot na ang mga insertions at aasa na lang sa pag-veto ng Malacanang.
Dapat siguro buwan ng Enero pa lang ay pag-usapan na ang budget at hindi ang nangyayari na sa kalagitnaan ng taon ito sinisimulan, baka naman talagang style na ito ng mga congressman kasi kung kelan sila magbreak saka pinapaspasan at palulusutin ang budget.
Comments are closed.