TAHASANG sinalungat ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang patakarang itinakda ni Pangulong Duterte na dapat sa Filipinas idaos ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan.
Ayon sa CPP, tuluyan nang makikitil ang inilalatag na pangmatagalang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at komunistang rebelde dahil sa kondisyong ito ng pamahalaan.
Kamakalawa lamang ay inilatag ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na isa sa mga kondisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa resumption ng peace talks ay ang idaos ito mismo sa Filipinas.
Pero para sa CPP, hindi katanggap-tanggap at “unworkable” din ang kondisyon na ito para sa panig naman ng NDFP.
Pinatutsadahan din ng CPP ang pahayag ni Dureza na nananatiling bukas naman daw ang mga pintuan para sa usapang pangkapayapaan.
Kanilang iginiit na “outright lie” ito sapagkat hangad lamang ng pahayag na ito na pagtakpan ang paulit-ulit na termination ng gobyerno sa peace negotiations.
Tinukoy ng CPP na pormal na winakasan ni Pangulong Duterte ang peace talks sa pamamagitan ng naging presidential proclamation nito noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nasundan pa raw umano ito ng isa pang proklamasyon noong Disyembre 2017 na nagdedeklarang terorista ang CPP at NPA. VERLIN RUIZ
Comments are closed.