NAGBANTA si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa mga nasa likod ng pagnanakaw ng koryente sa Iloilo City, na itinuturing nito bilang isa nang ‘organized business’, na pananagutin ang mga ito sa batas.
Ang banta ay ginawa ni Treñas matapos na mahuli sa akto ang dalawang suspek na kinilalang sina Nazareno Pagayon, 54, at Jason Mark Gualin, 26, kapwa residente ng Brgy. Yulo Drive, Arevalo, Iloilo City, na nagtatanggal ng electric meter ng More Electric and Power Corporation (More Power).
Sa interogasyon, inamin ng dalawang suspek na kanilang tinatanggal ang metro alinsunod na rin sa utos sa kanila ng isang hindi pa pinangalanang consumer at kanilang ililipat ang metro sa ibang lugar.
Ang dalawa ay kasalukuyang nakapiit sa Arevalo Police Station at nahaharap sa kasong Anti-Pilferage of Electricity Act and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994.
Ayon kay Treñas, pinakamabigat na parusa ang ipapataw ng lokal na pamahalaan sa mga nagnanakaw ng koryente o mga gumagamit pa rin ng jumper.
“We will apply the national law. All law enforcement agencies PNP and City Hall are supposed to implement the law. And I will implement the law. I have no choice. I will file cases if need be. For the bail bond, amount is double the amount of pilfered power. So it will be very harsh,” giit pa ng alkalde.
Upang hindi na makasuhan, hinimok ni Treñas ang mga mayroon pa ring illegal connection na itigil na ito at mag-apply ng kanilang sariling electric meter sa pamamagitan ng iKonek program, isang kasunduan na pinasok ng lungsod sa More Power na nakatuon para tulungan ang mga informal settler sa kanilang pagpapakabit ng linya ng koryente.
Sa ilalim ng iKonek Program, nangako ang More Power na sa loob ng 10 hanggang 12 araw ay tapos na ang proseso ng kanilang aplikasyon, kung saan mayroon umanong One Stop Shop para hindi magpabalik-balik sa pagsusumite ng requirements.
Sa report ng More Power, sa loob ng isang araw ay 2 hanggang 3 report ng illegal connections ang kanilang natatanggap kaya naman mas pinaigting nila ang surveillance ng kanilang mga security personnel para mahuli ang mga nagnanakaw ng koryente at ang mga nagtatangkang isabotahe ang kanilang operasyon.
Sinabi ni More Power President Roel Castro na aktibo nilang sinusuyod ang mga organized jumper na nag-ooperate sa Iloilo City na siya umanong dahilan kung bakit mataas ang system loss na nagreresulta sa mataas na singil sa koryente at overloading sa distribution system.
“The proliferation of illegal connections in the city, which has been a problem since the time of the previous distribution utility, drives up systems losses which are actually paid for legitimate consumers. Possible na organized group. It’s already negosyo na. Kanya-kanyang franchise din sila, kanya-kanyang area. We already identified them and in due time we will deal with them,” pahayag ni Castro.
Natukoy ng More Power na may 30,000 illegal connections sa lalawigan, kung saan sa nasabing bilang ay halos 20% ang systems loss, at kung susumahin umano, kung ang buong lalawigan ay 100 megawatts ang konsumo sa isang araw, nasa 20 megawatts ang nakokonsumo ng mga jumper.
“Illegal connections are the main causes of unscheduled brownouts because the lines and transformers are overloaded. If we can lower the systems losses, it will translate to lower rates. It also has aesthetic value because we will minimize those illegal wirings that are attached to our distribution lines,”
Sa ngayon ay nasa 7,000 walk in applicants na dating may illegal connections ang natanggap ng More Power mula nang mag-take over ito bilang distribution utility sa lungsod noong Marso.
Comments are closed.