CREAMLINE KAKATAWAN SA PH SA ASEAN GRAND PRIX

Creamline

MATAPOS ang kampanya sa 2022 AVC Cup for Women ay kakatawanin naman ng Creamline Cool Smashers ang bansa sa 2022 ASEAN Grand Prix, na nakatakda sa September 9-11 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Ito ang kinumpirma nina Creamline head coach Sherwin Meneses at setter Jia Morado-de Guzman kasunod ng kanilang final game sa AVC Cup for Women.

Ang mga Pinay ay tumapos sa sixth place sa torneo matapos ang straight sets loss sa Chinese Taipei. Ito na ang pinakamatikas na pagtatapos ng bansa sa torneo.

“Yes, ‘yun ‘yung sabi ng management sa amin. Maglalaro kami sa Grand Prix. We have two day’s break, then balik na kami sa ensayo,” ani Meneses. “Hopefully, madala namin ‘yung exposure dito going to Thailand.”

Hindi pa matiyak kung mabubuo na ang lineup ng Creamline para sa Grand Prix. Naglaro sila sa AVC Cup na wala si team captain Alyssa Valdez makaraang tamaan ng dengue ang veteran spiker.