CREAMLINE MAINIT NA SINIMULAN ANG GRAND SLAM BID

creamline

Standings W L
Chery Tiggo 1 0
PetroGazz 1 0
Creamline 1 0
Cignal 1 0
PLDT 1 1
UAI-Army 0 1
Akari 0 1
Choco Mucho 0 1
F2 Logistics 0 1

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Akari vs UAI-Army
5:30 p.m. – Cignal vs Chery Tiggo

SINIMULAN ng Creamline ang kanilang Grand Slam bid sa 25-22, 25-18, 26-28, 25-22 panalo kontra PLDT Home Fibr sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena.

Nag-regroup ang Cool Smashers makaraang kunin ng High Speed Hitters ang third set, kung saan nagsanib-puwersa sina Alyssa Valdez, Ced Domingo at Turkish import Yeliz Basa para ibigay ang unang panalo ng koponan.

“Siyempre ‘yung PLDT, talagang sobrang nag-prepare din sila. Maganda ‘yung scouting nila sa game namin kaya naka-adjust sila sa third set tapos ‘yung breaks of the game sa bandang dulo, hindi napunta sa amin,” wika ni Creamline coach Sherwin Meneses.

“Pero hindi naman kami nag-rattle sa fourth set so we kept on playing lang naman talaga,” dagdag pa niya.

Kumana si Basa ng 17 kills, habang gumawa si Valdez ng solid all-around outing na 17 points, kabilang ang 2 blocks, 13 digs at 13 receptions para sa cool Smashers.

Tumaas ang kumpiyansa makaraang magwagi ng Invitational Conference Finals MVP at impresibong national team debut sa dalawang international competitions na nilahukan ng Creamline kamakailan, bumanat si Domingo ng team-highs 3 service aces at 3 blocks upang tumapos din na may f17 points.

“Tinutuloy ko lang talaga kung ano ang nasimulan ko. Nandito na po. I guess papanindigan ko na lang kung ano ang ibinibigay sa akin na responsibility,” sabi ni Domingo.

“I’m really happy that everyone is very supportive and yung communication sa loob, nandoon talaga kaya hindi mahirap for me to contribute,” dagdag pa niya.

Gumawa si Jia de Guzman ng 32 excellent sets, habang nakakolekta si libero Kyla Atienza ng 15 digs at 10 receptions.

Nagtala si Elena Samoilenko, nanguna sa third set win ng High Speed Hitters, ng 22 points, kabilang ang 2 blocks, habang nag-ambag si Mika Reyes ng 11 points.

Nabigo ang PLDT na sundan ang kanilang conference-opening five-set win kontra United Auctioneers Inc.-Army upang bumagsak sa 1-1.