CREAMLINE SA FINALS

NAGING sandigan ng Creamline ang malawak na karanasan para pataubin ang sister team Choco Mucho, 23-25, 25-19, 25-18, 25-15, at kunin ang unang  Finals berth sa PVL Open Conference sa full-house Mall of Asia Arena kahapon.

Kumana si Tots Carlos ng 23 points, kabilang ang tatlong service aces at limang receptions upang pangunahan ang Cool Smashers na makumpleto ang two-match sweep.

Kinuha ng  Flying Titans ang opening set, ngunit hindi nasamantala ang momentum sa sumunod na tatlo para tapusin ang kanilang kampanya para sa reakthrough championship appearance.

“Thankful kami kasi naka-recover kami doon sa first set kasi medyo kinapos ‘yung habol namin sa first set. ‘Yung maturity ng Creamline, nandiyan palagi iyan, kasi ‘yung chemistry is okay na. Naglalaro kami nang maayos at nakuha namin ang panalo,” sabi ni winning coach Sherwin Meneses.

Nagdagdag si Jema Galanza ng 18 points at 15 digs habang umiskor si skipper Alyssa Valdez ng 17 points, kabilang ang  match-winner para sa Cool Smashers.

Nagpapasalamat si Valdez na makabalik sa lugar na marami siyang personal na tagumpay sa  UAAP at  PVL.

“I’m very happy for the sport itself,” ani Valdez, na huling naglaro sa  Pasay venue noong June 2018 kung kailan nagkampeon ang Cool Smashers sa Reinforced Conference.

“It is so nice that it is probably one of the biggest comebacks in the sport na nandito tayong lahat sa MoA Arena. I’m so thankful, no matter kung sino ang iniidolo nila. Kung sino ang sinusuportahan nila, we are so thankful for all of them sa ibinibigay nila,” dagdag pa niya.

Makakasagupa ng  Creamline ang magwawagi sa pagitan ng Cignal HD at ng PetroGazz sa best-of-three title series simula sa Miyerkoles sa parehong Pasay venue.

Magtatangka ang Cool Smashers sa ikatlong Open Conference crown – at ikaapat sa kabuuan magmula nang lumahok sa PVL noong 2018.

Nanguna si Kat Tolentino para sa Flying Titans na may 14 points, kabilang ang tatlong  blocks, habang gumawa rin si Desiree Cheng ng tatlong blocks para sa 13-point outing.