NAIS paimbestigahan sa Senado ni Senador Win Gatchalian ang mga naglipanang kaso ng pagnanakaw gamit ang mga na-hack na credit card, debit card o online bank accounts.
Ayon kay Gatchalian, ito’y upang mapunan ang kakulangan sa batas na nagbibigay ng proteksiyon sa publiko.
Matapos idulog ni Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI) ang na-hack niyang credit card na ginamit sa pagbili ng mga alak na nagkakahalaga ng higit isang milyong piso sa pamamagitan ng isang food delivery app, napag-alaman ng senador na sunod-sunod na pala ang ganitong klase ng modus nitong mga nakaraang buwan.
Tumambad sa official email at Facebook accounts ng senador ang samu’t saring reklamo katulad ng naranasan niya noong Miyerkoles, ilang minuto lang matapos niya itong isiwalat sa publiko.
“Sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga mekanismo, lumalabas na hindi sapat ang mga ito kaya patuloy na naisasakatuparan ng mga kawatan ang ganitong klase ng pagnanakaw,” ani Gatchalian.
Kahit na may mga kaukulang batas na umiiral na para pangalagaan ang kapakanan ng mga kunsyumer katulad ng Access Devices Regulation Act, Electronic Commerce Act, Cybercrime Prevention Act, Consumer Act of the Philippines, at Data Privacy Act, sinabi ng vice chairman ng Senate Committee on Banks na hindi sapat ang mga ito para ihinto ng mga kriminal ang panlilinlang sa mga tao sa mga gawaing tulad ng phishing at hacking o pagnanakaw ng mga personal na impormasyon ng kanilang mga nabibiktima.
Bunsod na rin ng paglaganap ng COVID-19 na nagpausbong sa mga bagong application software at makabagong pamamaraan ng pamimili online o cashless transactions, sinabi ni Gatchalian na maaaring may mga aspeto sa mga ganitong klase ng transaksiyon na hindi sakop ng mga umiiral na batas.
“Obligasyon ng mga bangko at kompanyang nag-aalok ng mas magaan na electronic transactions na garantyahin ang kapakanan at seguridad ng kanilang mga kliyente, pati na rin ang kanilang mga personal na impormasyon. Kung nag-a-upgrade man sila sa kanilang mga inaalok na serbisyo, pihadong mapangahas din ang mga masasamang loob para lang maisakatupan ang kanilang pagnanakaw. Dapat ay mayroon ding mekanismo ang industriya ng mga bangko upang agarang matugunan ang mga hinaing o reklamo ng kanilang mga customers,” ani Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.