TAGUIG CITY – IPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police-National Capital Regional Police Office ang malaking ibinaba ng crime rate sa Metro Manila.
Sa isang news forum sa Quezon City kahapon, inihayag ni PNP-NCRPO Chief Director Camilo Cascolan na bumaba ang crime rate sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay Cascolan, mula nang opisyal siyang manungkulan bilang chief of police ay bumaba na ang mga naitatalang index crimes.
Sakop nito ang petsa ng April 16 hanggang May 20, 2018.
Ayon kay Cascolan, bumaba sa 1,255 ang mga krimen na kanilang naitala na mas mababa sa 1,678 na krimen sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang index crimes ay nakatuon sa walong krimen na kinabibilangan ng murder, homicide, rape, robbery, theft, physical injury, carnapping ng motor vehicle at carnapping ng mga motorsiklo.
Sa tala naman ng Weekly Average Crime Trend ng NCRPO Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), lumalabas na ang Average Crime Rate ay bumaba nang 29.29%.
Pinakamababa dito ang petsa ng May 14 hanggang May 20, 2018 kung saan naitala ang pinakamababa na average weekly crime rate simula ng Duterte Administration.
Samantala, tututukan naman ngayon nang husto ng PNP ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga riding in tandem na may kaugnayan sa patayan o gun for hire cases.
Pinag-aaralan ng pambansang kapulisan na lumikha ng isang Task Force na tutok sa pagsugpo sa motorcycle riding criminals at gun for hire groups. VERLIN RUIZ