CSC: 573 EXAMINEES KUMUHA NG FOREIGN SERVICE OFFICER TEST

NASA kabuuang 573 examinees ang kumuha ng Career Service Examination for Foreign Service Officer (CSC-FSO) na pinangasiwaan ng Civil Service Commission (CSC) sa 13 rehiyon kamakailan.

Nabatid sa CSC na ang nasabing bilang ay kumakatawan sa 89.39% ng kabuuang rehistradong examinees (641) mula sa National Capital Region (NCR), Regions 1 hanggang 11, at sa Cordillera Administrative Region.

Sa araw ng naturang pagsusulit, nag-inspeksiyon sina CSC Chairperson Karlo Nograles at Commissioner Ryan Alvin Acosta sa UST Angelicum College sa Quezon City, na siyang testing center para sa NCR kung saan 63% o 360 sa kabuuang examinees ang kumuha ng pagsusulit.

“Isa na namang successful na Career Service Examination ang naihatid ng Civil Service Commission nitong Linggo. Ito ay para naman sa mga Foreign Service Officer hopefuls. Nagpapasalamat kami sa lahat ng examinees sa kanilang cooperation sa exam protocols upang maging maayos ang buong exam procedure. Gusto rin naming magpasalamat sa mga partner schools namin,” masayang pahayag ni CSC Chairperson Nograles.

Parehong nagsisilbi ang CSE-FSO bilang qualifying test at eligibility examination. Bilang qualifying test, isa lamang ito sa limang bahagi ng Foreign Service Officer Examination (FSOE). Ang mga pumasa sa CSE-FSO ay magpapatuloy sa mga susunod na bahagi ng FSOE — Preliminary Interview, Written Test, Psychological Test, at Oral Test — lahat ay pinangangasiwaan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang FSOE ay ginagawa para mag-recruit ng mga kandidato para sa Foreign Service Officer, Class IV na posisyon. Sa eligibility examination naman, ang mga pumasa sa CSE-FSO ay ipagkakaloob sa Career FSO Eligibility.

Ang pagiging eligible ay angkop para sa first level (clerical) at second level (teknikal) na mga posisyon sa gobyerno na hindi kabilang sa pagsasanay ng propesyon at hindi saklaw ng bar, board, at iba pang mga batas.

Nabatid na ang target na petsa ng paglabas ng mga resulta ng pagsusulit ay sa Marso 19, 2023 kung saan ang listahan ng mga pumasa ay ipo-post sa website ng CSC. Ang CSE-FSO ay ang first career service examination na naka-iskedyul sa 2023.

ROMER R. BUTUYAN