CURFEW IPATUTUPAD NA RIN SA PASAY

CURFEW-2

ALINSUNOD sa emergency special session na pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, isang ordinansa ang inaprubahan ng konseho na agad pinirmahan ng 12 konsehal ng dalawang distrito ng lungsod para kagyat na maisakatuparan ang mga ito.

Ang ordinansang nakatakdang ipatupad sa lungsod ay ang Ordinance No. 6089, Series of 2020 o ang ‘curfew hour’, ang una sa dalawang resolusyon na nagdedeklara ng ‘state of calamity’ sa lungsod dahil sa mabilis na pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na may Resolution No. 4981, Series of 2020; at ang ikalawa ay ang Resolution No. 4982, Series of 2020, kung saan ipag-uutos ang pansamantalang pagsasara ng lahat ng shopping malls at kaparehong establisimiyento sa lungsod.

Ang ‘curfew hour’ ay simula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Sa Resolution No. 4981 ay idineklara rito ng Sangguniang Panglungsod ang ‘state of calamity’ sa siyudad dahil na rin sa mataas na bilang ng mga nahawa ng COVID-19, gayundin ang pagpapalabas ng pondo na manggagaling sa calamity fund upang makabili ng emergency supplies and equipment para malabanan ang nakamamatay na sakit.

Batay naman sa Resolution No. 4982, ipinag-uutos ng lokal na pamahalaan sa lahat ng may-ari ng malls at mga kaparehong establisimiyento ang pansamantalang  pagsasara sa mga ito habang napapailalim ang buong National Capital Region (NCR) sa community quarantine.

Nakasaad din dito na ang pansamantalang pagpapasara sa mga ito ay isa lamang hakbang upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19 at agad namang kakanselahin ang pagpapatupad ng naturang resolusyon kapag humupa na ang banta ng COVID-19 sa bansa.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.