DUMIPENSA ang Bureau of Customs (BOC) sa mga lumabas na ulat noong isang linggo kung saan inakusahan ang dalawang opisyal nito na sangkot sa mga katiwalian at naghahanap ng “tulay” sa kampo ni President-elect Bongbong Marcos upang manatili sila sa kanilang mga puwesto.
Sa pahayag ni Atty. Vincent Maronilla, BOC spokesperson, patuloy na nakatutok ang ahensiya sa tungkulin nito na makatulong sa pagbangon ng bansa dahil sa negatibong epekto ng pandemya ng COVID-19 sa nakaraang dalawang taon.
Bukod dito, kinikilala rin, aniya, ng liderato ng BOC sa pangunguna ni Comm. Rey Leonardo Guerrero, ang malaking ambag nina Atty. Vener Baquiran, Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG) at, Atty. Teddy Raval, Deputy Commissioner for Enforcement (EG).
“The Bureau of Customs remains focused on our task in helping our country in its effort to recover from the effects of the pandemic against our economy,” ani Maronilla sa kanyang pahayag.
“As in the previous years the bureau recognizes the hard work done by Deputy Commissioners Baquiran and Raval together with those of the other officers and personnel of the Bureau of Customs.
Bilang hepe ng RCMG, si Baquiran ang nakatalaga sa monitoring ng pumapasok na buwis sa kaban ng Aduana at responsable sa pagsasampa ng mga kaso ng ismagling sa Department of Justice (DOJ).
Sapul noong Hunyo 2021 hanggang Mayo 2022, tuloy-tuloy ang ‘surplus tax collection’ ng Aduana, kung saan noong nakaraang taon, nakakolekta ng P645.8 bilyon ang BOC, lampas ng P29 bilyon sa target nitong P616.8 bilyon.
Mula naman Enero hanggang Mayo 2022, naabot na ng BOC ang higit 47 porsiyentong kabuuang collection target nito ngayong taon na P679.23 bilyon dahil sa patuloy na surplus tax collection ng ahensiya sa pagpasok ng taon. Para sa buwan ng Mayo, nagrehistro ng sobrang koleksyon na higit P11 bilyon ang BOC.
Patuloy ring tinutukan ng tanggapan ni Baquiran ang higit 200 kaso ng ismagling na naisampa ng BOC sa DOJ bilang pagsunod sa utos ng Malakanyang at ni Comm. Guerrero na huwag tantanan ang kampanya laban sa ismagling.
Sa panig naman ni Raval, bukod sa superbisyon sa Customs Police (Enforcement and Security Service, ESS), sa kanyang panahon din bilang hepe ng EG naging isang reyalidad ang BOC Water Patrol Division na pinasinayaan pa ni Comm. Guerrero at Finance Secretary Carlos Dominguez III noong nakaraang Pebrero.
Ang tanggapan din ni Raval ang namamahala sa pagpapatupad ng Fuel Marking Program (FMP) ng gobyerno kung saan noong 2021, higit P60 bilyon ang nakolektang dagdag na buwis ng BOC dahil sa FMP.
Sa bukod na pahayag, tinawag namang “malisyoso” at “wala kahit isang bahid na katotohanan” ng dalawang opisyal ang nasabing akusasyon.
“The allegation is malicious, unfounded and a downright lie,” anila.
“It is unfair not only to concerned religious group, to the customs leadership under Comm. Rey Leonardo Guerrero but also, to us, because we were never given a chance to air our side,” ayon pa kay Baquiran.
Umapela rin ang dalawang opisyal ng Aduana sa mga kasapi ng media na maging maingat sa kanilang pagbabalita at kunin ang lahatang panig upang maging balanse ang kanilang mga ulat.