Standings W L
Wangs 3 0
Marinero 3 1
Apex Fuel 2 1
EcoOil 2 1
Adalem 2 2
CEU 2 2
Builders 0 3
AMA 0 4
Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
10:30 a.m. – Builders Warehouse-UST vs Adalem Construction-St. Clare
12:30 p.m. – Apex Fuel-San Sebastian vs EcoOil-La Salle
MAGHIHIWALAY ng landas ang Apex Fuel-San Sebastian at EcoOil-La Salle sa pagpapatuloy ng 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Kapwa may 2-1 kartada, ang Golden Stags at Green Archers ay magsasalpukan sa alas-12:30 ng tanghali target na mapalakas ang kani-kanilang kampanya na makapuwesto sa Top 2 na may kaakibat na outright semifinals berth.
Hangad ng Apex Fuel na mahila ang kanilang win streak sa tatlo matapos ang 93-53 pagbasura sa AMA Online noong Martes.
Subalit itinuturing ni Golden Stags coach Egay Macaraya ang larong ito na isang oportunidad upang lalong masubok ang lakas ng kanyang tropa sa pangunguna nina James Una at Romel Clahat.
“It’s going to be a learning process for them. Malaki ang magiging kalaban namin at ito ‘yung mga challenge na inihahanda namin para sa mga big man namin,” aniya.
Batid ni Macaraya ang kanyang sinasabi lalo pa’t pangungunahan ni Fil-Am rebounding demon Michael Phillips ang EcoOil-La Salle.
Gayunman ay sinabi ni Green Archers mentor Derick Pumaren na hindi dapat sa balikat lamang ni Phillips bumagsak ang pressure kung saan inaasahan niya ang mas magandang performance ng kanyang tropa matapos ang 76-65 panalo kontra Centro Escolar University noong nakaraang Biyernes.
“We cannot be like that. We cannot underestimate teams and take any team for granted here. We have to be competitive and that’s the thing that we should not do against San Sebastian,” ani Pumaren.
Sasandal din kina CJ Austria, Penny Estacio, at Emman Galman ang EcoOil-La Salle sa kanilang pagtatangka sa back-to-back wins.
Sa unang laro sa alas-10:30 ng umaga ay sisikapin ng wala pang panalong Builders Warehouse-UST (0-3) na putulin ang winless start laban sa Adalem Construction-St. Clare (2-2).