NAKIKIPAG-USAP na ang Department of Agriculture (DA) sa Pakistan at India para suplayan ang Pilipinas ng pinagsamang 2 million metric tons (MT) ng bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Tiu Laurel Jr., nakipagpulong na siya kay Pakistani Ambassador Imtiaz Ahmad Kazi para isapinal ang kasunduan kung saan maglalaan ang Pakistan ng hanggang 1 million MT ng bigas taon-taon sa Pilipinas.
Isang katulad na kasunduan ang tinatalakay rin kay Indian Ambassador Shri Harsh Kumar Jain.
“The intention is to create a level playing field among our rice supplying nations,” pahayag ni Laurel sa isang statement. “We want them to compete for our market.”
Ang Vietnam, na sa kasalukuyan ay top rice supplier ng bansa, ay lumagda sa isang Memorandum of Understanding sa Pilipinas para sa five-year trade commitment na mag-supply ng puting bigas sa pribadong sektor, na nasa 1.5 million hanggang 2 million MT kada taon sa kompetitibo at abot-kayang presyo.
“Secretary Tiu Laurel said intercity rice traders have pledged to begin selling rice at P40 per kilo through the ‘KADIWA ng Pangulo’ program, helping the DA achieve its target of expanding KADIWA kiosks selling affordable rice in public markets and public transport stations to 300 locations by mid-January,” ayon sa DA.
Noong Disyembre ng nakaraang taon ay nag-isyu si Presidente Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order No. 50 na nagpapalawig sa temporary modification ng rates ng import duty sa bigas, mais, at meat products hanggang December 2024 upang matiyak ang abot-kayang halaga ng basic goods. PAULA ANTOLIN