IPINASASAMA ni Agriculture Secretary William Dar sa mga lokal na pamahalaan ang agricultural products sa kanilang relief packs.
Ayon kay Dar, makatutulong ito upang matugunan ang sobrang suplay ng agri products.
Sa pagtaya ng DA, may surplus supply na 94 araw para sa bigas, 234 araw sa mais, anim na araw sa mga gulay, 2 araw sa isda at 233 araw para sa manok.
Tanging pork ang may kakulangan sa suplay na katumbas ng 43 araw.
Ayon kay Dar, resulta ito ng African Swine Fever (ASF) na kumalat sa mga hog farm noong nakaraang taon.
Subalit sinabi ni Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na may 5 million kilos ng pork sa Mindanao at 1.5 million kilos sa Visayas.
Sa ngayon kasi, Visayas, Mindanao, may oversupply sila doon. So we ask for help from DA to ship those frozen meat na nakatay na ng mga local hograiser, to ship it to Luzon,” wika ni So.
Ani So, ang live weight ng hogs sa Visayas at Mindanao ay P90 kada kilo, mas mababa sa P125 kada kilo sa Luzon at sa break even price na P110 kada kilo.
Samantala, ang live weight ng manok ay may average na P58 hanggang 60 kada kilo, depende sa laki.
Sa kakulangan ng suplay sa pork, sinabi ni Dar na ang suplay ng manok sa bansa ay makatutugon sa protein requirements ng mga Filipino.
“Simula ngayon, ang dami rin na glut sa chicken. So ‘wag tayo mabahala tungkol sa meat,” ani Dar.
“Ang ating panawagan ay ang mga local government units na kung puwede ay bumili na rin sila ng mga pagkain kagaya ng vegetables na ipamigay nila sa mga constituent nila. Even for chicken siguro. Even for pork sa may sobrang pork,” sabi pa ng kalihim.
Comments are closed.