TUMULAK na kahapon ng umaga ang daan-daang Philippine Navy contingents patungong Vladivostok, Russia lulan ng BRP Tarlac, ang pinakamoderno at pinakamalaking barkong pandigma ng hukbo.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Cdr. Jonathan Zata, bibisitahin ng PN contingents ang Russian Pacific Fleet at pagkatapos ay lalahok sa International Fleet Review na sasalihan ng iba’t ibang naval forces ng mga kasaling bansa sa Jeju, South Korea.
Ayon kay Zata, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsama sila ng kinatawan ng media sa paglalayag na kinabibilangan nina PILIPINO Mirror Correspondent Verlin Ruiz at Jaime Laude ng Philippine Star.
Ito’y sa gitna na rin ng pakikipagmabutihan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia kung saan plano ring bumili ng Department of National Defense (DND) ng submarine sa nasabing bansa.
Inihayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang port call visit sa Russia ay matapos naman ang nauna nang pagbisita ng mga warship ng mga Ruso sa bansa noong nakalipas na taon
Hindi lamang umano ang paglilinang sa diplomatikong relasyon at alyansang military ang layunin ng nasabing paglalakbay ng BRP Tarlac dahil bahagi rin ito ng mga programa ng Duterte administration kung paano maayudahan ang mga overseas Filipino worker sa mga bansang may kaguluhan.
“Mahirap kasi kung may emergency sa mga lugar kung saan naroon ang libo-libong OFWs sakaling kailanganing ilikas sila nang maramihan dahil kung C-130 ng Philippine Air Force ang gagamitn ay limitado lamang ang maaaring isakay.”
“Kung isang barko ng Navy ay kayang maglulan agad ng 500 manggagawa at maaaring maghintay sa karagatan ang barko para magmasid at magbantay sa mga kaganapan,” dagdag ni Zata.
Sinaksihan ang send off ceremony ng mga opisyal ng gobyerno, media at pamilya ng mga sundalo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.