(Dadagsa sa Pinas) MILYONG HEALTH AND WELLNESS TOURISTS

UMAASA  ang Department of Tourism na dadagsa ang isang milyong health and wellness tourists sa mga darating na taon dahil layunin ng bansa na maging hub para sa medikal na turismo sa rehiyon.

Binuksan ni Tourism Secretary Christina Frasco kasama ang Unang Ginang Liza Marcos ang dalawang araw na International Health and Wellness Tourism Congress sa Taguig, na dinaluhan ng tourism buyers mula sa buong mundo.

Sinabi ni Frasco na ang kaganapan ay magpapakita ng Filipino brand of wellness, gayundin ang kalidad ng mga pribadong medikal na pasilidad sa bansa.

Ang sinaunang uri ng panggagamot ng mga Filipino na tinatawag na ‘hilot’ ay isa sa mga highlight ng kaganapang ito at perpektong ipinares sa ating world-class healthcare facilities at healthcare personnel,” ayon pa sa kalihim.
Sinabi ng Tourism chief na ang Pilipinas ay tumatanggap ng humigit-kumulang 250,000 health and wellness tourists taon-taon.

Ang mga ito ay mga dayuhang manlalakbay na bumibisita sa Pilipinas para sa medikal na paggamot, pangangalaga sa ngipin, o pumunta sa isang retreat sa isang spa.

Ayon naman kay Tourism Director Paulo Tugbang na nilalayon nilang maabot ang kalahating milyoo o kahit isang milyong turista sa loob ng ilang taon. JUNEX DORONIO