DADALO SA KASALAN NAUWI SA LAMAY

Truck

MAGUINDANAO –NAUWI sa lamay ang sana’y masayang piging nang masawi sa sakuna ang dalawa katao habang may 20 iba pa ang nasugatan nang maaksidente sa daan ng mga dadalo sa isang  kasalan sa South Upi.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sakuna na ikinamatay nina Melanie, 18- anyos at Hadji Abas, 70-taong gulang na  kapwa residente ng Dalican, Datu Odin Sinsuat.

Ayon sa report ng South Upi PNP, sakay ang halos 25 katao sa isang truck at tinatahak ang national highway papunta sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.

Lumabas sa imbestigasyon na biglang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck pagsapit sa pakurbadang bahagi ng national highway sa South Upi.

Sa salaysay ng isa sa mga survivor, pinilit pang iniwas ng driver na mahulog ang truck sa bangin kaya ibinangga na lamang ito sa concrete at steel railings sa gilid ng  highway sa Sitio Sinako, Barangay Kuya.

Nagawa naman agad na marespondehan ng mga  miyembro ng South Upi PNP ang mga biktima at naisugod  sa isang pagamutan sa  Barangay Tinaman.

Napag-alaman na papunta sana sa isang kasal sa bayan ng Lebak ang mga biktima. VERLIN RUIZ

Comments are closed.