DAGDAG-BUWIS SA ALAK, YOSI LUSOT NA SA KAMARA

ALAK-YOSI

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8677 na nagtataas sa excise tax sa sigarilyo at House Bill 8618 na nagtataas naman sa excise tax sa mga nakalalasing na inumin.

Sa botong 187 Yes, 7 No at 1 Abstain ay naipasa ang panukala na nag-aamyenda sa RA 10351 o Sin Tax Reform Law.

Sa oras na maging ganap na batas ang dagdag na excise tax sa sigarilyo, simula Hulyo 2019 ay itataas sa P37.50 ang buwis sa kada pakete ng si­garilyo mula sa kasaluku­yang P30.

Mula rito, kada taon ay tataas na sa 4% ang buwis sa sigarilyo o P40 sa 2020, P42.50 sa ­Hulyo 2021 at P45 sa Hulyo 2022.

Samantala, sa botong 189 Yes at 7 No ay nailusot ang dagdag na excise tax sa alcohol products.

Simula Enero ng 2019, papatawan ng 22% ad valorem tax ang net retail price ng alcohol products, bukod pa rito ang specific tax na P30 per proof liter.

Mula rito ay itataas ang buwis sa alak sa P35 sa 2020, P40 sa 2021 at P45 sa 2022.

Pagsapit naman ng 2023 ay nasa 7% ang itataas na buwis sa alak.

Ang makokolektang kita mula sa tobacco excise tax ay gagamitin sa  pagpondo sa Universal Health Care Act.  CONDE BATAC

Comments are closed.