TUMATAGINTING na P9 million ang nakatakdang tanggapin ng 17-anyos na si Yuka Saso para sa kanyang makasaysayang gold medal win sa golf sa katatapos na 18th Asian Games sa Indonesia.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang Office of the President ay magkakaloob ng karagdagang P1 million para sa gold, P500,000 para sa silver at P200,000 sa bronze.
Bukod sa P1 million mula sa Office of the President, ang gold medalists sa Asiad ay tatanggap din ng P2 million mula sa PSC, P2 million mula sa Senado, P1 million mula kay Dennis Uy at P1 million mula kay PH ambassador to Indonesia Lee Hiong Tan Wee.
Nakopo ni Saso ang women’s individual gold, gayundin ang team gold, kasama sina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Nagwagi rin sina Olympic silver winner Hidilyn Diaz sa weightlifting at skateboarder Margielyn Didal sa Asiad, para sa kabuuang apat na gold medals ng Filipinas, ang pinakamarami magmula noong 2006.
Samantala, nagkaloob ng tulong ang PSC sa pamilya ni Olympic table tennis player Ian Lariba na pumanaw noong nakaraang Lunes.
Ang mga insentibo ay ipagkakaloob sa isang seremonya sa Malacanang sa Set. 12.
Comments are closed.