DAGDAG NA 17 KASO NG DELTA VARIANT NAITALA

ISABELA-DAHIL sa patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lambak ng Cagayan, ilang bayan sa lalawigang ito ang nagdedeklara sa kani-kanilang mga barangay na i-lockdown ng ilang araw upang mapigilan ang paglala ng kaso ng Delta Variant.

Sa nakuhang ulat mula sa Department of Health (DOH) Region-2 na nadagdagan ng 17 ang bilang ng kaso ng Delta Variant sa naturang rehiyon,kung saan ay ito ay mula sa kabuuang bilang na 279 new cases sa buong bansa batay sa resulta ng pagsusuri ng UP-Philippine Genome Center at UP-National Institutes of Health nitong nakalipas na Setyembre 3.

Sa datos ng DOH-Region 2, anim sa mga bagong kaso ng Delta Variant sa lalawigan ng Isabela kung saan tig-isa sa Aurora at San Agustin, tig-dalawa sa Jones at Santiago City.

Habang may panibago naman na limang kaso sa Nueva Vizcaya kung saan tatlo ang galing ng Bambang at tig-isa sa Quezon at Bagabag.

Tatlo naman ang naidagdag pa sa Cagayan partikular ang isa na mula sa Solana at dalawa sa Tuguegarao City.

Samantala, pansamantalang isinara ang tanggapan ng bayan ng Angadanan makaraang magpositibo ang walong empleyado sa isinagawang mass antigen testing.

Ayon kay Mayor Joelle Mathea Panganiban, isa umano sa rason sa pagtaas ng kaso ng kanyang nasasakupan ay resulta ng kanilang isinagawang Aggressive Swab Testing.

Isasailalim din sa modified enhanced community quarantine (MECQ) with heightened restrictions ang bayan ng Ramon, Isabela, simula Setyembre 10 hanggang 21 kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 35 na inilabas ni Mayor Jesus Laddaran ng Ramon, Isabela matapos pagdesisyunan ng local- IATF dahil sa 183 na ang kabuuang aktibong kaso ng COVID-19.

Pumalo na sa 3,024 ang kabuuang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela matapos maitala kahapon ang 247 na panibagong kaso. IRENE GONZALES

6 thoughts on “DAGDAG NA 17 KASO NG DELTA VARIANT NAITALA”

Comments are closed.