DAGDAG NA DISBABILITY PENSION SA VETERANS APRUB NA SA KAMARA

VETERANS

LUSOT na sa Kamara ang dagdag na disability pension para sa mga beterano sa ilalim ng House Bill 7302.

Sa botong 226 Yes at wala namang pagtutol ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang “Disability Pension of Veterans Act” na layong i-rationalize at itaas ang disability pension ng mga beterano na nagkaroon ng kapansanan habang sila pa ay nasa aktibong serbisyo.

Sa ilalim ng panukala, ang P1,000 na pensiyon na tinatanggap ng mga beterano ay itataas sa P4,500 kada buwan; P5,000 naman sa mga kasalukuyang tumatanggap ng P1,100 na disability pension; P6,100  sa mga may P1,200; at P6,900 naman sa mga may P1,300 disability pension.

Samantala, ang mga beterano na may P1,400 na disability pension ay makatatanggap na ng P7,700; P8,500 naman sa mga may P1,500 disability pension; P9,300 sa mga tumatanggap ng P1,600; at P10,000 sa may P1,700 na disability pension kada buwan.

Itataas na rin sa P1,000 ang P500 na pensiyon na natatanggap kada buwan ng asawa o anak na menor de edad ng isang beterano.   CONDE BATAC

Comments are closed.