DAGDAG-PONDO SA DOE PARA SA MGA PANUKALANG MAGPAPABABA SA PRESYO NG ENERHIYA

DOE

AABOT sa P46 milyon ang ipinanukala ni Senador Win Gatchalian na dagdag sa budget ng Department of Energy (DOE) para sa susunod na taon para mapondohan ang pagsasaliksik sa mga umuusbong na teknolohiya na magiging daan upang mapababa ang presyo ng enerhiya sa bansa.

“Kailangan nating mamuhunan sa mga pag-aaral para matuklasan natin ang mga alternatibong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya. Ang makakalap natin dito ay makakapagpabago sa ating pamumuhay at kalaunan ay makakapagbigay katipiran sa ating mga gastusin,” ayon kay Gatchalian,  chairman ng Senate Energy Committee.

Iminungkahi ni Gatchalian ang paglalagak ng P20 milyon para sa pag-aaral sa energy transition, P20 milyon para sa isang comprehensive roadmap ng electric vehicles (EVs) at P6 milyon para pag-aralan ang energy generation gamit ang pasilidad ng waste-to-energy (WTE).

“Habang patuloy ang pagbaba ng presyo ng mga renewable energy at battery storage, at may 10 taon pa para tugunan natin ang 2030 Paris Agreement, importanteng gumawa ang DOE ng mga hakbang para mapag-aralang mabuti kung paano makakaagapay ang ating bansa sa mga pagbabago patungo sa pag-decentralize, digitalize at decarbonize ng sistema sa enerhiya habang isinasaalang-alang ang seguridad at presyo nito,” paliwanag ni Gatchalian.

Layon ng pag-aaral sa energy transition na tingnan kung paano matutugunan ng gobyerno at industriya ang pangangailangan ng lahat ng sektor tulad ng agrikultura, fisheries at forestry, commercial at industrial, residential at transportasyon, pati na rin ang papel na gagampanan ng mga ahensiya ng gobyerno, ayon pa kay Gatchalian.

Paliwanag ng senador, punong may-akda at sponsor ng Senate Bill No. 1382 o ang panukalang Electric Vehicles and Charging Stations Act, ang paglalagak ng pondo para sa pagbalangkas ng comprehensive roadmap para sa mga EVs ay naaayon sa mandato ng DOE sa ilalim ng RA 7638.

“Malaki ang potensiyal ng mga EVs na mapababa ang importasyon para hindi tayo palaging nakaasa sa paggamit ng inaangkat na langis mula ibang bansa. Bukod dito ay mababawasan din ang greenhouse emissions na nagmumula sa transportasyon. Kaya mahalaga na punan natin ang pangangailangan ng DOE upang maisakatuparan natin ang isang komprehensibong programa sa pagtataguyod ng mga EVs sa ating bansa,” dagdag pa ni Gatchalian.

Sinabi rin ng mambabatas na layon ng pagsasaliksik sa WTE na makadiskubre at madagdagan ang mga lokal na mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.

“Ang WTE ay hindi naitataguyod nang maigi bilang lokal na mapagkukunan ng enerhiya dito sa atin. Ang paglalaan ng mas malaking pondo sa DOE para mapag-aralan pa lalo ito ay ang unang hakbang para maisakatuparan natin ang pagtataguyod ng mga indigeous energy resources,” ani Gatchalian. VICKY CERVALES

Comments are closed.