DAGDAG-SAHOD BATAS NA

Presidential Spokesman Salvador Panelo-4

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa dagdag-sahod ng mga empleyado ng pamahalaan o ang Salary Standardization Law of 2019.

Ang  paglagda  sa  batas  ay ginawa  ng  Pangulo kamakalawa ng gabi makaraang iha­yag  ng  Department  of  Budget and Management (DBM) na  kasama sa  2020 national budget ang  pondo para sa pay hike ng mga kawani ng  gob­yerno.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang salary increase  ay maibibigay sa  apat  na  tranches  simula  ngayong  2020 hanggang 2023.

“The Palace confirms that President Rodrigo Roa Duterte signed the Salary Standardization Law of 2019,  which he earlier certified as urgent, thereby granting a salary increase to government workers, in four tranches, effective Fiscal Year 2020 to Fiscal Year 2023,” sabi ni Panelo.

Kabilang  sa  makikinabang sa  dagdag-sahod  ang  civilian personnel,  kasama  na ang mga nasa lehislatura, hudikatura, at local go­vernment  units para  lalo pa nilang paghusayin ang  kanilang  serbisyo sa  publiko.

Ayon kay Pa­nelo,  nais ni Pangulong ­Duterte  na  maiangat ang  buhay  ng  mga  kawani ng gobyerno, lalo na ang  mga  masipag magtrabaho,  kabilang  na ang  mga  guro at  nurse na  napabayaan sa matagal na ring panahon.

“The Office of the President notes that the law is at the initiative – and has the strong support – of PRRD pursuant to his desire to upgrade the standard of living of government emplo­yees. The law is aimed at be­nefitting those hardworking men and wo­men in the government, ­including our teachers and nurses who unfortunately have been neglec­ted in the past,” aniya.

“The new compensation scheme is competitive with those of the private sector to attract or maintain talented human resources. The Pa­lace hopes that this latest round of salary adjustment will motivate everyone in the public sector to work doubly hard and put more dedicated and competent service in their respective jobs,” dagdag pa ni Panelo.

Tinatayang nasa 1.4 milyong  government employees ang makikinabang sa nilagdaang Salary Standardization Law of 2019 ni Pangulong Duterte na  magiging  epektibo ngayong  Enero.

Kabuuang P34.2 bilyong pondo ang inilaan ngayong 2020 para maitawid ang unang tranche ng pay hike para sa mga kawani ng pamahalaan.

Higit  na makikinabang  sa SSL 5 ang mga nasa salary grade 10 hanggang salary grade 15, kung saan mabibigyan sila ng hanggang 20 to 30%  increase, habang ang mga nasa salary grade 23 to 33 ay magkakaroon naman ng umento na  hanggang walong porsiyento.

Ikinatuwa naman ni Senador Sonny ­Angara ang paglagda ng ­Pangulo sa SSL-5.

Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, si Angara ang nagsulong na maisabatas ang SSL-5 sa Senado.

“Ito na ang pagtupad sa pangako ni ­Pangulong Duterte na pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa natin sa gobyerno. Sila ang mga kawani na su­misigurong napag-aaral natin ang ating mga anak, may kaukulang tulong medikal ang mga sanggol at mga ina, sapat at maaasahang mga imprastraktura. Sila ang mga kababayan nating nagpapatakbo sa operasyon ng pamahalaan,” ayon pa sa senador.

Ayon pa kay ­Angara, sa kabila ng salary increase na ipatutupad ng SSL-5, patuloy pa rin siyang magsusulong ng mas mataas na kompensasyon para sa mga guro bilang pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan ng mga ito sa paghuhulma sa kaal-aman ng mga mag-aaral at pagiging katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong sa kaunlaran ng bansa.

Nabatid na itinutulak ni Angara ang Senate Bill 131 na naglalayong itaas ang minimum wage ng public school teachers.

Sa naturang panukala, nais ng senador na kung ang minimum wage ng teachers ay nasa Salary Grade 11, kailangang itaas ito katumbas ng Salary Grade 19.

Ani Angara, sakaling maisabatas ang kanyang panukala, ang Teacher 1 na sumasahod sa kasalukuyan ng P22,316 ay sasahod na ng P46,791 kada buwan base sa isinasaad ng SSL-5. (EVELYN QUIROZ,  VICKY CERVALES)

Comments are closed.