PINAYAGAN na ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagpapalabas sa fourth tranche ng dagdag-sahod subalit para lamang sa mga kawani ng local government units (LGUs) at government-owned and -controlled corporations (GOCCs).
Napag-alaman na natanggap na ni House Majority Leader Rolando Andaya. Jr. ang dalawang circulars ng Department of Budget and Management (DBM) na nagpapahintulot sa LGUs at GOCCs na ipalabas ang fourth tranche ng salary increase ng kanilang mga empleyado sa ilalim ng Salary Standardization Law.
Nilagdaan ni Diokno ang Local Budget Circular No. 118 at ang Corporate Budget Circular No. 23 noong Enero 15 at epektibo ito noong Enero 1.
Nakasaad sa Local Budget Circular No. 118 na ang halagang kakailanganin sa pagpapatupad ng wage hike ng LGU personnel ay kukunin lamang sa pondo ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nakasaad sa Corporate Budget Circular No. 23 na ang pondo na kakailanganin para ipatupad ang dagdag-sahod ay huhugutin sa kanilang approved corporate operating budgets, “provided that the national government shall not release funds for compensation adjustment and the GOCC shall not resort to borrowings for the purpose.”
Comments are closed.