LUSOT na ang unang taon ng PILIPINO Mirror bilang nag-iisang business tabloid sa republika ni Juan.
At ang ika-anim na taon nito, Suki, bilang siyang pinakamalaki sa mga maliliit na babasahing nakahilera sa bangketa.
Sa pagsisimula ng ika-pitong taon ay tatangkain ng aming patnugutan na higitan pa ang pagsisikap at ang pagpupunyaging ipinamalas sa nagdaang taon nang matatag itong tumugon sa hamon ng pababagong anyo.
Hindi madaling i-reformat ang tradisyunal na tabloid sa panig ng buong editoryal na ang karamihan ay kung ilang dekada nang may kasanayan sa pangangalap ng mga balitang may ugnay sa krimen, politika, tsismis at mga iskandalo.
Sa isang iglap, Suki, ay nag-iba ang mundo hindi lang ng patnugutan, kasama na ang mga reporter at editor, kundi ng buong organisasyon na nagsikap maunawaan ang galaw ng merkado upang maitono ang produkto sa panlasa nito.
Kauna-unahan at nag-iisang tabloid sa negosyo ang angkin namin sa bagong anyo ng PILIPINO Mirror.
Na sa loob ng nagdaang 365 na isyu nito ay dibdibang itinaguyod ng patnugutan ang paghatid ng balita’t impormasyon hinggil sa ekonomiya, kalakalan at pananalapi ng bansa na may tumbok sa antas ng pangkaraniwang negosyo o ‘yong mga enterprenyur.
Opkors, hindi naman binitiwan ng aming patnugutan ang paghatid ng mga balita tungkol sa takbo ng politika at kaayusan o kriminalidad dahil naniniwala kaming sangkap ang mga ito sa pagbagsak o pagpapalago ng negosyo – maliit man o malaki.
Maging ang mga pahinang isports at libangan ay amin pang dinagdagan, Suki, ng pasyalan, kainan at espesyal na ulat upang magsilbing rekado na pampalasa sa aming bagong produkto.
Suki, matapos naming tugunan nang buong tatag ang hamon ng pagbabago ay buong pusong pinasasalamatan ng aming patnugutan ang inyong patuloy na suporta, kasabay ng pangako na ang mga susunod pang mga isyu ng nag-iisang tabloid sa negosyo ay maging karapat-dapat sa inyong pagtitiwala at pagtangkilik.
Happy anniversary po!
Comments are closed.