LABIMPITONG national roads at tatlong tulay ang sarado sa trapiko matapos ang pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa 6 a.m. situation report ng DPWH, ang mga saradong national roads ay kinabibilangan ng walo sa Bicol Region, tatlo sa Calabarzon, dalawa sa Central Luzon at tig-iisa sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Mimaropa at Central Visayas.
Ayon sa DPWH, ang naturang mga kalsada ay sarado sa trapiko dahil sa pagkatibag ng mga bato, mataas na water elevation, pagbaha, pagbagsak ng kalsada, pagguho ng lupa, pagbagsak ng poste ng koryente, silted pavement, rockslide at madulas na kalsada.
Samantala, tatlong national bridges ang hindi madaanan — ang Itawes Bridge, (flooded) Cagayan-Apayao Road, Cagayan; Bugaan Bridge, (washed out) Talisay-Laurel-Agoncillo, Batangas; at Waras Bridge, (collapsed) sa Baao-Iriga City-Nabua Road, Camarines Sur.
Gayundin, 13 national road sections ang may limitadong access — 10 sa Bicol, dalawa sa Calabarzon at isa sa Cordillera dahil sa road slip, flashflood, scoured reinforced concrete pipe culvert, washed-out surfacing materials at pagbaha.
Ang national roads at bridges sa ibang apektadong rehiyon ay maaaring madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan, ayon pa sa DPWH.