DAHIL sa banta ng nakamamatay na 2019 Novel Coronavirus (nCoV) na nagmula sa Wuhan, China ay pansamantalang kinansela ang Olympic qualifying Asia Cup Triathlon na lalahukan ni back-to-back Southeast Asian Games champion John Leerams Chicano sa Abril sa Chinese Taipei.
“International Triathlon Union informed us the tournament will not be held as scheduled because of the threat of the deadly virus. ITU doesn’t want to expose the participants to danger,” sabi ni coach Melvin Fausto sa panayam ng PILIPINO Mirror.
“Chinese Taipei is near mainland China. Delikado ang kalusugan ng mga kalahok. Hindi puwedeng ipagsapalaran ang health and safety of the participants,” sabi pa ni Fausto.
Nang tanungin kung saan ililipat ang qualifying, sinabi ni Fausto na hindi pa niya alam.
“Wala pa akong alam. Ang sabi ng ITU ay standby until further notice.”
Ang Asia Cup ang ikalawang qualifying na nakansela dahil sa banta ng NCoV. Unang nakansela ang boxing na gaganapin sana sa Wuhan Province kung saan nagmula ang deadly virus. Pitong Pinoy boxers, kasama sina world boxing champions at SEA Games gold medalists Nesthy Petecio at Felix Eumir Macial ang lalahok.
Inilipat ang torneo sa Amman, Jordan sa Abril.
Sina pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo ang unang dalawang Pinoy athletes na nagkuwalipika sa 2020 Tokyo Olympics.
Sina Brazil Olympic weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz at wakeboarding specialist Margielyn Didal ay kasalukuyan lumalaban sa qualifying.
Sasabak naman si Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe sa France Grandslam Judo sa Pebrero 8. CLYDE MARIANO