(Dahil sa bird flu outbreak) PAG-ANGKAT NG POULTRY PRODUCTS SA AUSTRALIA BAWAL

INIUTOS ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabawal sa pag-angkat ng poultry products mula Australia dahil sa outbreak ng bird flu sa naturang bansa.

Ang ban ay kasunod ng  na-detect na pagkalat ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) virus subtypes H7N3 at H7N9  ng bird flu virus sa naturang bansa.

Iniulat ng Chief Veterinary Officer ang outbreak ng bird flu sa kanilang bansa sa World Organization for Animal Health.

Ang outbreak ay naitala noong Mayo 23 sa Meredith at  Mayo 25 sa Terang, Victoria, na kinumpirma naman ng  Australian Centre for Disease Preparedness.

Iniutos ng DA ang ban upang mapigilan ang pagpasok  ng  HPAI virus sa Pilipinas at maproteksiyonan  ang mga mamamayan at ang industriya.

Ang pagbabawal ay nakapaloob sa Memorandum Order No. 21 ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Animal Industry (BAI) kung saan ipinahihinto nito  ang pag-isyu ng Sanitary at Phytosanitary Import Clearances sa mga imported na wild at domestic birds mula Australia, kabilang ang poultry meat, day-old chicks, eggs at semen.Gayunman ay  tatanggapin pa rin sa mga pantalan ang mga shipment ng poultry products na kinatay o na-produce bago ang May 9, 2024.

“All shipments coming from Australia that are in transit/load/accepted unto port before the official communication of this order to the Australian authorities shall be allowed provided that the products were slaughtered/produced on or before May 9, 2024,” nakasaad sa memorandum ni Tiu Laurel na  may petsang June 6.

Mula Abril 2024, ang  Australia ang itinuturing na ikaapat sa pinakamalaking supplier ng imported na manok ng

Pilipinas  na umaabot sa 5,365 metric tons.  Ang Australia din ang  major supplier ng bansa ng  mechanically deboned meat at day-old chicks.

Ang bird flu  ay laganap lamang sa mga wild bird at poultry product. Bagama’t bihira ang naitatalang kaso ng pagkahawa ng tao sa bird flu disease, pinag-iingat pa rin ang publiko laban dito.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA