(Dahil sa checkpoints – NFA) DELIVERY NG BIGAS NADE-DELAY

NFA RICE

NAKAKITA ng mga problema ang ilang nagde- deliver ng bigas sa Metro Manila sa gitna ng usapin ng lockdown na ipinatutupad dulot ng COVID-19.

Nabatid kay National Food Authority (NFA) administrator Judy Carol Dansal na may kabuuang 14,000 sako ng bigas  na lulan ng 14 trucks na nanggaling sa Regions 1, 2 at 3 ang dapat sana’y nai-deliver na sa kanilang mga warehouse sa Valenzuela City at Cavite.

Ayon kay Dansal, naantala ang rice allocations ng NFA sa mga pribadong negosyante dahil inuuna muna ang pagdadala ng bigas para sa isinasagawang COVID-19 relief operations ng mga opisyal mula sa local government units at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Napag-alaman naman kay Jonathan Yazon, manager ng NFA Bulacan, na ang naturang bilang ng truck-loads convoy ng NFA rice ay nakatakda sanang dalhin lahat  sa  Malolos warehouse sa Bulacan subalit 8 truckloads lamang ng bigas ang nakarating,  isa rito ay mula pa sa Region 2, tatlo mula sa Region 1 at apat naman ang buhat sa Region 3.

Idinagdag pa ng opisyal na apat sa mga truckload ng bigas ay mula sa Region 3 na dinala na Cavite ware-house ng NFA habang ang apat namang truckloads na mula sa Regions 1 at 2 ay idiniretso sa Marikina ware-house ng NFA.

Ayon kay Elvira Obana, assistant regional director for Central Luzon ng NFA,  nagkaroon ng problema ang mga driver ng  anim na truckloads ng bigas na nanggaling sa  Regions 1 at 2 dahil sa mga isinagawang checkpoints sa mga dinaanang lugar na may lockdown dulot ng COVID-19.

Kaugnay  nito, pinag-aaralan  naman ni Dansal ang apela ng anim pang upland farmers cooperatives ng Bulacan na makapagbigay ang mga ito ng bigas kasunod ng naranasang mga problema.

Inatasan ni Dansal si NFA Central Luzon director Piolito Santos na asikasuhin ang mga hiling ng anim na kooperatiba. BENEDICT ABAYGAR, JR.