UMAABOT sa 77,375 magsasaka at mangingisda ang inaasahang makikinabang sa isang taong moratorium sa pagbabayad sa mga programang pautang ng Department of Agriculture-Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC).
Ang pansamantalang suspensiyon ng pagbabayad ay ipinatupad para tulungan ang mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ang ani at kita ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19.
Ang COVID-19 outbreak ay nagresulta sa pagsasailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa sa ‘state of calamity’ sa loob ng anim na buwan, gayundin sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon, dahilan upang hindi maibenta ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga produkto na nagresulta sa pagkalugi ng mga ito.
Napag-alaman na nasa P2.3 bilyon na kabuuang pautang sa ilalim ng mga programa ng DA-ACPC ang makakasama sa nasabing moratorium na nagsimula noong March 16, 2020 at tatagal hanggang March 16, 2021.
“Sa panahon ng kinakaharap nating krisis, naiintindihan namin na kalusugan at kaligtasan muna ang dapat tugunan. Ang ating mga mag-sasaka at mangingisda ay mga frontliner din dahil patuloy silang nagbibigay ng pagkain sa ating mga hapag kainan sa kabila ng kalamidad na ito,” sabi ni Agriculture Sec-retary William Dar.
“Kaya naman pinapayagan ng DA-ACPC na magbigay ng isang taong moratorium ang mga partner lending conduits nito sa mga magsasaka at mangingisdang magnanais mag/avail ng nasabing loan payment moratorium,” dagdag pa ni Dar.
Kaugnay nito, binigyan din ng DA-ACPC ang kanilang partner lending conduits ng isang taong moratorium para sa pagbabalik ng katumbas na halaga ng mga bayaring nakapaloob sa moratorium para sa mga magsasaka at mangingisda. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.